1,565 total views
Inilaan ng PasaLord Prayer Movement ang sama-samang pananalangin sa papalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Ayon kay PasaLord Interfaith Prayer Movement Founder at Lead Convenor Lourdes “Nanay Bing” Pimentel, mahalagang ipanalangin ang nakatakdang halalang pambarangay upang maihalal ang mga karapat-dapat na mga opisyal na maglilingkod ng tapat para sa kapakanan ng pamayanan.
“Napakaimportante itong eleksyon ng kabarangayan at ng SK Sangguniang Kabataan, importante po. So God bless everyone and let us all pray together so that we will elect the right people for the positions so that they will sincerely help us and serve us.” Ang bahagi ng pahayag ni Pimentel.
Nanawagan naman si Pimentel sa bawat isa na huwag ipagbili ang boto sa halip ay isipin kung sino ang tunay na makapaglilingkod para sa kabutihan at kapakanan ng bawat mamamayan sa barangay.
Apela ni Pimentel, “Maawa po kayo sa inyong sarili, maawa po kayo sa inyong mga anak, maawa po kayo sa inyong mga ka-barangayan kung inyo pong ipagbibili ang inyong boto, kawawa. Kawawang kawawa po sapagkat yung serbisyo na dapat po na inyong maramdaman na may inakit, mayroong puso na magsilbi ay hindi ninyo makikita.”
Iginiit ni Pimentel na mahalagang pumili ang bawat botante ng mga opisyal ng barangay na may naaangkop na kakayahan, puso, sensiredad, at kaalaman upang pangasiwaan ang pagpapaunlad at pagsasaayos ng kapakanan ng bawat kasapi ng pamayanan.
Partikular na pinaalalahanan ni Pimentel ang mga kabataan na maging matalino sa pagpili ng mga opisyal ng Sangguniang Kabataan na kakatawan sa kanilang kapakanan sa barangay.
“Nandito po ang PasaLord Prayer Movement para maliwanagan at matulungan po lahat ng botante ng barangay lalo na po ang SK-Sangguniang Kabataan, kailangan po yung mahusay hindi yung gusto mag-iinom inom party-party lang ang alam hindi po. Kailangan may programa para sa mga kabataan yan po ay inyong tingnan at kilala naman ninyo lahat ng kabataan sa inyo, kumuha kayo ng isang responsable at tulad din may puso, may sensiredad, may kaalaman at mayroong pananalig sa ating Panginoon.” Dagdag pa ni Pimentel.
Batay sa kasalukuyang tala ng COMELEC aabot sa 42,027 ang bilang mga barangay sa buong bansa kung saan kinakailangang maghalal sa nakatakdang halalang pambarangay ng 42,027 Punong Barangay at SK Chairperson gayundin ang kanilang katuwang sa pamamahala sa barangay na mga miyembro ng Sangguniang Barangay at Sangguniang Kabataan na aabot sa 588,378.