1,687 total views
Umaasa ang Living Laudato Si’ Philippines na higit na pahahalagahan ang tinig at karapatan ng mga apektado ng krisis sa klima sa panibagong kasulatang ilalabas ng Kanyang Kabanalan Francisco upang suportahan ang ensiklikal hinggil sa pangangalaga sa kalikasan.
Ayon kay LLS Philippines executive director Rodne Galicha, ipinapakita ng kasalukuyang kalagayan ng daigdig ang matinding pangangailangan upang pagtibayin ng Simbahan ang paninindigan laban sa lumalalang krisis dulot ng pagbabago ng klima.
Ginawa ni Galicha ang pahayag matapos i-anunsyo ng Santo Papa noong Agosto 21 na naghahanda na ito sa pagsasapubliko ng ikalawang bahagi ng Laudato Si’ na nakatakda sa Oktubre 4,2023 sa kapistahan ni San Francisco ng Asis, ang patron ng sangnilikha.
“As the impacts of this climate crisis intensify, it becomes increasingly essential for the Church to take a resolute and unwavering position, highlighting the urgency of addressing this global challenge,” bahagi ng pahayag ni Galicha.
Iginiit naman ni Galicha na lubhang mahalaga ang pagkilos ng pamahalaan at mga korporasyon upang makalikha ng mga desisyong tutugon sa mga suliraning pangkalikasan.
Inihayag ni Galicha opisyal na naaakma rin ang inisyatibo ng Santo Papa sa nalalapit na 28th United Nations Climate Change Conference of Parties o COP28 Summit sa Disyembre para muling tipunin ang mga kinatawan ng bansa upang talakayin at lumikha ng kasunduan na tutugon sa mga krisis sa klima.
Kabilang na rito ang muling pagtalakay sa Paris Agreement na layong makamit ang 1.5-degree Celsius na temperatura ng daigdig.
“It is of vital importance to promptly put into action practical, necessity-based, and authentic strategies that align with the aim of achieving the 1.5-degree Celsius aspiration. This entails the preservation and renewal of vulnerable ecosystems,” ayon kay Galicha.
Taong 2015, walong taon na ang nakakalipas nang ilathala ni Pope Francis ang Laudato Si’ upang ibahagi ang mga aral tungo sa kristiyanong pamamaraan ng pangangalaga sa nag-iisang tahanan.
Ito ang ikalawa sa ensiklikal na inilathala ni Pope Francis, kasunod ng Lumen Fidei at sinundan ng Fratelli Tutti.