1,184 total views
Kapanalig, nakakabigla, hindi ba, kapag may ahensya o may poder sa pamahalaan na tumitindig agad para sa mga tao o kasong malinaw na hindi talaga para sa tunay na paglilingkod o serbisyo sa bayan? Nakakabigla o nakaka-shock hindi ba, na makarinig na sambitin ng lider ang mga salitang nag-uudyok sa mga tao o kawani ng pamahalaan na manakit o pumatay, o di kaya, maliitin ang importansya ng katotohanan?
Nakakashock nga ba talaga ito o marami na rin yata ang pumapayag sa ganitong asta o pananalita? Okay na ba sa atin ito, tutal, pagiging totoong tao lamang daw ito, o pagiging cute o pagpapatawa. O okay lang din manakit dahil dasurv naman ng masasaktan?
Sa tingin niyo ba kapanalig, tama ito? Okay lang ba gawin ito ng mga lider ng bayan?
Ang mga lider o pinuno ng ating bayan ang namamahala sa ating bansa. Sila ay ating kinatawan – sa kanilang kamay natin inilalagay ang ating buhay. Hindi ba kapanalig, hindi natin ikakapag-kanulo ang ating kaluluwa sa kung sino na lamang? Pero bakit kaya, okay lang sa atin na ipagkatiwala ang bayan sa mga pinunong hindi naman bayan ang prayoridad? Kapag niloko ka ng kakilala mo, kapamilya mo, asawa mo o nobyo, nanghihingi ka ng accountability. Hindi ka matatahimik hangga’t hindi mo nalalaman ang rason ng kasalanan, paano ginawa, at paano sya makakabawi. Lagi mong tinatanong bakit ako niloko, o bakit mo nagawa ito? Pero pagdating sa mga lider ng bayan, hindi tayo nanghihingi ng accountability – kahit pa nilimas na minsan ang kaban ng bayan, o kahit pa pinatay ang inosenteng sibilyan?
Kapanalig, bilang isang lipunan, panahon na itaas nas muli natin ang ating standards. Ibalik na natin ang ating mga values o pinahahalagahan, gaya ng delicadeza, integridad, katotohanan. We need to demand these from our leaders. Ang pamamahala ng ating bayan ay laging windang at palpak, o di kaya puno ng korapsyon dahil ang baba ng ating standards para sa mga lider natin. Pamilyar lang ang pangalan, sige bilib na agad tayo sa kanila.
Dahil sa kapabayaan natin sa pagpili ng mga lider, pati mga kawani ng mga ahensya nahahawa na rin, bumababa na rin ang standards. Napakarangal pa naman ang magsilbi sa bayan – pero ngayon, mas maraming naka uniporme ang okay lang madungisan ang kanilang reputasyon – sige lang sa korapsyon o sige lang sa katamaran. Nadadamay pa tuloy ang ibang lingkod bayan na tunay na nagseserbisyo. Kaya’t hindi nakakapagtaka na bumaba na naman ang ranking natin sa Annual Governance Index: 66th ngayong taon kumpara sa 63rd noong 2022 at 61st noong 2021.
Umaasa tayo kapanalig, na unti-unti na nating maibabalik ang dignidad at integridad sa pamamahala sa ating bansa. Sabayan natin ang panawagan at dasal ni Pope Francis mula sa Evangelii Gaudium: I ask God to give us more politicians capable of sincere and effective dialogue aimed at healing the deepest roots – and not simply the appearances – of the evils in our world!… I beg the Lord to grant us more politicians who are genuinely disturbed by the state of society, the people, the lives of the poor!
Sumainyo ang Katotohanan.