2,113 total views
Isa sa mga bangungot ng ating lipunan ang paghahari ng dilim, EJK, at pananakot nitong nakaraang administrasyon. Naaninag na naman natin ang mapaklang bahagi na ito ng ating kasaysayan nitong nakaraang weekend ng may nabalita na naman tayong nag-hahari-harian sa kalye, nanakot, at nanutok ng baril sa isang siklista dahil lamang sa away trapiko. Nang malaman natin na dating pulis pala ito, marami ang nagsabi, sinabi ko na nga ba, o eto na naman tayo.
Kapanalig, ginising lamang tayo ng pangyayari na ito mula sa paghimlay at apathy. Kung hindi ito nabalita, may mga kababayan pa rin tayong laging tatakutin gamit ang kapangyarihan, dahas, at pananakot. Ang rule of law sa ating bayan, hindi pa natin naibabalik ng tuluyan. Ayon sa World Justice Project (WJP) Rule of Law Index 2022. Pang 97 na tayo sa 140 countries pagdating sa rule of law. Malaking hakbang na ito mula sa 102 noong 2021, pero marami pa tayo dapat gawin.
Napakahalaga ng solidarity sa ganitong isyu kapanalig. Ang mga biktima ng mga pananakot at dahas ay kadalasan, nasaktan na nga, tinatakot at binubusalan pa. Naiiwan silang mag-isa – walang ibang tatakbuhan at laging nag-aalala para sa sarili nilang kaligtasan, pati na kanilang mga pamilya. Para sa mga biktima, mahirap tumayo mag-isa. Tingnan niyo na lang ang kaso ni Kian delos Santos o ni Jerhode Jemboy Baltazar.
Ang suporta ng lipunan, para sa rule of law, para sa kaayusan at kapayapaan, para sa marangal at ligtas na bayan, ay napakahalaga. Kailangan nating tumindig na isang nagkakaisang lipunan para sa bayan na tunay na para sa tao. Huwag na sana natin hayaang mangyari pa ulit o dumami pa ulit ang mga kasong ganito.
Kapanalig, walang tunay na kaunlaran, walang tunay na kapayapaan kung may mga tao sa ating paligid na naghahari-harian at gumagamit ng kapangyarihan, dahas, at pananakot. Walang marangal na lipunan ang pumapayag na may naaapi ni isa man sa mga miyembro nito. Maaring sabihin ng iba kapanalig na napakaliit na bagay lamang ito. Wala namang namatay, bakit OA ang reaksyon. Pero tandaan, ayon nga sa Confronting a Culture of Violence ng mga US Catholic Bishops: Not all violence is deadly. It begins with anger, intolerance, impatience, unfair judgements and aggression. It is often reflected in our language, our entertainment, our driving, our competitive behavior, and the way we treat our environment. These acts and attitudes are not the same as abusive behavior or physical attacks, but they create a climate where violence prospers and peace suffers. Paalala din nito: We have an obligation to respond. Violence — in our homes, our schools and streets, our nation and world — is destroying the lives, dignity and hopes of millions of our sisters and brothers.
Sumainyo ang Katotohanan.