198 total views
Ipinaalala ng kanyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga bilanggo sa Maximum Security compound ng New Bilibid Prison o NBP na anuman ang kanilang mga naging kasalanan ay tuloy pa rin ang buhay.
“At iyon po ang mensahe ng pag-asa para sa ating lahat lalo na po sa inyo na mga residents dito. Habang may buhay, may pag-asa at pagsikapan po natin. Okay. Kung nagkamali, hindi iyan katapusan ng buhay,”paalala ni Cardinal Tagle sa Radio Veritas.
Ayon kay Cardinal Tagle, ang mensahe ng pasko ay pahalagahan ang buhay ng tao dahil kahit si Hesus na anak ng Diyos ay naging tao upang ipaalam ang kahalagahan ng ating buhay.
Inihayag ni Kardinal sa mga bilanggo na anuman ang pagkakamali, pagkakadapa na nangyari sa ating buhay ay mahalaga pa rin ang buhay upang makapagbigay buhay sa ibang tao.
“Mga kapatid nakikiusap po ako sa inyo, anuman ang naging pagkakamali, anuman ang naging pagkadapa, kahit na nasadsad, sugat-sugatan at duming-dumi, hindi pa po tapos ang lahat. Gusto ng Diyos na ang buhay na ipinagkaloob sa atin ay mamunga upang kayo ay makapagbigay buhay naman sa iba,” paalala ng Kardinal sa mga bilanggo.
Hinimok ni Kardinal ang mga nasa loob ng bilangguan na pasalamatan ang Diyos dahil marami silang pagkakataon na binibigyan ng Diyos na makapagbagong buhay upang pagdating ng panahon ay maging inspirasyon at gabay ng iba sa kanilang buhay bilang tao.
Ibinahagi ni Cardinal Tagle ang maraming pagkakataon na ang isang patapon at walang silbing buhay ay naging inspirasyon sa iba dahil nabigyan siya ng pagkakataon na tanggapin ng iba na makapagbagong buhay.
“May nakilala akong isang street child,isang binatilyo, pipi at bingi. Sabi po noong social worker at pari, ang bata ay dumating doon sa shelter para sa mga street kids, itong batang ito barumbado dahil siguro bingi at pipi dahil hirap na ipahayag ang nararamdaman niya. Bukod doon ang kilos noong bata ay napaka bayolente, violent, napakarahas. Pero ngayon inaalagaan na niya ang mga batang naka-wheelchair, siya ang nagpapakain, siya ang nagtatayo. Yung buhay na parang patapon na, ngayon namumukadkad at naipapasa, nagbibigay buhay siya at pag-asa sa iba,” pagbabahagi ni Cardinal Tagle.
Iginiit ni Cardinal Tagle na mahalaga ang buhay na kailangang padaluyin at magbigay buhay sa iba sa halip na kitilin.
“Nagkamali ka, ang tingin ng ibang tao masama ka wala kang karapatang mabuhay, mabuti pa mawala ka sa mundong ito. Pero hindi, buhay yan at ang buhay may pag-asa at ang pagasa na yan padaluyin para magbigay buhay pa sa iba,” paalala ni Cardinal Tagle sa mga bilanggo sa misang alay sa ika-80 taong kaarawan ni Pope Francis.
Noong ika-17 ng Disyembre, pinangunahan ni Cardinal Tagle ang isang Thanksgiving Mass bilang pamaskong handog sa 133-bilanggo na nakatapos ng isang taon sa programa ng Caritas Manila Restorative Justice Ministry at regalo kay Pope Francis sa kanyang ika-80 kaarawan sa loob ng Maximum security compound ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa city.
Read: http://www.veritas846.ph/cardinal-tagle-nagdaos-ng-thanksgiving-mass-sa-new-bilibid-prison-para-sa-kaarawan-ni-pope-francis/
http://www.veritas846.ph/homilyhis-eminence-luis-antonio-cardinal-taglemaximum-security-compoundnew-bilibid-prison/