931 total views
Kapanalig, napakarami ng social media users sa ating bayan. Tinatayang umabot ng mahigit pa sa mahigit 84 milyong katao ang social media users sa ating bansa ngayong 2023. Pag facebook ang usapan, umaabot ng mahigit 80 million ang users nito sa ating bansa. Ang dami nito kapanalig, kaya nga’t dama nating lahat na buhay na buhay ang social media sa bansa. Maliban pa sa dami, tayo din ang pinakababad sa social media. Halos limang oras tayo nandito kapanalig kada araw. Pero tanungin muna natin ang ating mga sarili: paano ba natin ginagamit ang social media sa ating bayan?
Dati, sinasabi ng maraming tao na ginagamit nila ang social media para sa koneksyon, sa sosyalisasyon, at para mapalapit pa sa kanilang kaibigan o kaanak. Pero ngayon, iba iba na ang gamit natin ng social media. Marami sa atin, naghahanap ng balita doon, may iba gamit na rin ito for research. May iba naman, lugar na ito para sa kanilang libangnan. Yung iba, nakasanayan na magscroll na magscroll na lamang dito.
Pero kapanalig, bago ka bumalik sa cellphone mo, naisipan mo na ba gamitin ang social media para sa evangelization? Yung sa halip na puro jokes o kalokohan ang -ishare, ang mabuting balita naman?
Ayon sa Towards Full Presence. A Pastoral Reflection on Engagement with Social Media, ang social media ay isang malaking forum o plataporma kung saan ang ating mga values, ugali, paniniwala, pati lenggwahe ay nahuhulma at nai-impluwesiyahan. Isa itong oportunidad, kaya lamang, sa halip na mas naging united o magkalapit ang mga tao, tila naging plataporma na rin ito ng pagkawatak watak at pagiging makitid at kulong sa ating mga sariling grupo o networks. Hindi na natin itinuturing na kapwa ang ibang mga tao na may ibang paniniwala o gawi sa atin. Tinuturing natin silang kalaban o kakompentesya, at minsan, hindi na rin tao ang turing natin sa kanila, kundi content.
Dahil dito, mainam kapanalig na ibahin naman natin ang pag-gamit sa social media. Sa halip na tayo-tayo o sila sila, paano natin magagamit ang social media upang magkaroon ng mas maayos, mas malinis, mas buhay na engagements at conversations? Paano tayo magkakaroon ng espasyo ng pakikinig, at hindi ng pakikipagtalo?
Panahon na kapanalig na mabuksan ang diskusyon na ito sa ating mga tahanan, paaralan, at pamayanan. Nag-e-evolve na ang teknolohiya pati ang pag-gamit natin nito. Sa gitna ng ebolusyon na ito ay ang tao – at noon pa man hanggang ngayon, anuman ang gamit niya o instrumento, kailangan ng tao ay koneksyon. Sana gawin nating tunay na makabuluhan ang mga koneksyon natin sa social media ngayon. Gamitin naman natin ito para sa ebanhelisasyon. Maging influencers naman tayo para kay Kristo.
Sumainyo ang Katotohanan.