6,369 total views
Homiliya para sa Biyernes, ika-21 Linggo ng Karaniwang Panahon, Parokya ni San Roque ng Bagumbayan, QC, 1 Setyembre 2023, Mat 25, 1-13
Talinghaga ito. “Parable” sa Ingles. Hindi po ito tungkol sa literal na langis at lampara. Kung ganoon, tungkol saan ito? Tungkol daw sa paghahari ng Diyos na inihahambing sa pagsalubong sa lalaking ikinakasal at simula ng handaan sa kasalan. Kung gusto mong makapasok dapat handa ka sa pagsalubong sa lalaking ikinakasal.
Ang tipanan ng magsing-irog na nabibigyang kaganapan sa kasalan ay madalas gamitin sa bibliya bilang larawan ng relasyon na ibig mangyari ng Diyos sa pagitan niya at ng sangkatauhan.
Kaya ang tawag natin sa dalawang bahagi ng bibliya ay bagong tipan at lumang tipan. (1979 hanggang 1983 ako nag-apostolate dito sa Bagumbayan. Kapilya pa lang kayo noon ng Christ the King Parish sa Green Meadows. Kung nagtataka kayo kung saan ako napadpad noong pagkaordenan ko bilang pari noong 1983 (40years ago), pinag-aral ho ako para magsanay ng limang taon tungol sa bibliya, para magturo sa seminaryo.
May nagsabi sa akin minsan—siguro hindi ka nauubusan ng sasabihin sa homily dahil marami kang pinag-aralan sa bibliya. Sabi ko—ay hindi po totoo iyan. Minsan nauubusan din kami. Tao din kami, tulad nyo. Kaya nga kami pinag-aapostolate noon, kailangan naming mag-aral, matuto, hindi lang sa seminaryo at school kundi sa mas mahalagang pamantasan ng buhay. Madami akong natutunan dito sa Bagumbayan—noong buhay pa si Aling Bining at tinedyer pa si Estela. Kinailangan naming marinig ang mga kuwentong buhay ninyo para matutuhan namin kung ano ba ang magpapanatili sa ningas ng lampara—kumbaga sa tinutumbok ng parable na narinig natin.
Delikado kasing maiwan tayo o mapagsarhan sa dilim kapag wala nang langis ang mga lampara natin. Ke pari, madre, laiko, obispo, may-asawa, volunteer sa parokya o kahit na sino sa atin pwedeng “maubusan ng langis”.
Sa Ingles merong expression-“burn out syndrome” para sa mga taong nalalagay sa sitwasyon na parang wala nang kahulugan ang buhay, walang direksyon, walang layunin, walang pag-aalayan. Parang wala nang mapaghugutan ng lakas, sigla, o sigasig. Kumbaga sa isa pang kuwentong kasalan na dinaluhan daw ni Mama Mary—naubusan ng alak ang ikinakasal, at nakiusap ang ina sa anak niya na damayan sila dahil wala na silang ilalarga at ipapainom sa mga panauhin.
Kung nagtataka kayo kung bakit nangyayari ang ganito sa buhay ng tao, ganoon din ang sinasabi ng kanta ni Hadji Alejandro na sumikat noong bata pa ako at nag-apostolate dito. Naging popular ang kantang iyon at ni-revive pa. Sigurado ako kinanta rin nina Estela: NAKAPAGTATAKA. Sabi ng kanta:
“Walang tigil ang ulan at nasaan ka araw? Napano na’ng pag-ibig sa isa’t isa? Wala na bang nananatiling pag-asa?
Nakapagtataka (Saan na napunta?)”
Napano na daw ang pagibig? Wala na daw nanatiling pagasa. Binanggit niya ang pag-ibig at pag-asa, idadagdag ko pa ang pananampalataya—kasi sabi ni Saint Paul, itong tatlo daw ang pinakamahalagang langis ng buhay na magpapanitili sa ilaw: faith, hope and love. Pero ang pinakadakila daw ay LOVE. Ito ang langis ng lahat ng langis, na kapag nawala talagang di ka magtataka kung bakit magdidilim ang buhay. Kaya sa refrain, sabi ni Hadji:
“Hindi ka ba napapagod?
O ‘di kaya’y nagsasawa?
Sa ating mga tampuhan
Walang hanggang katapusan
Napahid na’ng mga luha
Damdamin at puso’y tigang
Wala nang maibubuga
Wala na ‘kong maramdaman!”
Ito ang nangyari sa limang dalagang mangmang sa kuwento ng ebanghelyo: WALA NANG MAIBUBUGA. Kung ayaw nating malagay sa ganyang sitwasyon ng pagkasaid o pagkatuyo, tiyakin na may baon kang langis.
Ang pakikitipan ng bayan ng Israel sa Diyos ay parang nagkaganyan din. Parang lampara na dumating sa punto na aandap-andap na. Kaya binago ng Diyos ang tipan. Kung dati ito ay may kinalaman sa dalawang tapyas ng bato na kinasulatan ng sampung utos, sa bagong pakikitipan ng Diyos sa sangkatauhan—hindi na sa bato isusulat ang kautusan kundi sa puso ng tao.
Ang bagong tipan ay hindi na tungkol sa pagsunod sa batas kundi tungkol sa pagsunod kay Kristo: bilang sabay na Anak ng Diyos at Anak ng Tao. Siya ang Diyos na totoo at taong totoo sa iisang persona: ang permanenteng buklod ng Diyos sa tao o ng tao sa Diyos. Kaya sabi ni San Pablo—“wala nang makapaghihiwalay sa atin sa pagibig ng Diyos dahil kay Kristo Hesus.” (Rom 😎 Sa kanya natin nakilala ang Diyos na umibig nang tunay sa atin at nagturo sa atin na umibig din na tulad niya—wagas, walang kundisyon, kahit masaktan, kahit magdusa.
Kaya sinabi niya: ang bagong utos ay ito lang—magmahalan tayo tulad ng pagmamahal ko sa inyo.
May isang taong bumabalik sa isip ko na gumabay sa akin para manatiling maningas ang apoy ng aking bokasyon sa pagkapari—si Fr Tom Green—siya ang kasama ko sa loob ng apat na taon ng pag-aapostolate ko sa Bagumbayan. Napakatalinong tao. Pero siya rin kinailangan din niyang magbabad dito at makinig sa mga tunay na taong tulad ninyo. Alam din niya na ang ibubuga namin sa paglilingkod ay hindi sa talino o galing ng utak nanggagaling kundi sa pag-ibig.
Pano mo alam na meron pang langis na reserba sa mga panahon ng pagsubok? Sabi ulit ni Hadji “Kung tunay tayong nagmamahalan, bat di tayo magkasunduan—-“
Ang dami ko nang nakilalang mga taong nasubok ang pananampalataya at pagasa sa mga sitwasyon ng kataksilan, kalupitan, kawalang utang na loob. Parang wala nang maibuga o wala nang maramdaman pero dahil nagpatawad, nagpuno, nagparaya, nagkasunduang muli at muling nag-apoy ang ningas at nagliwanag ang buhay dahil meron pa palang reserbang langis—langis ng pagibig ni Kristo na laging may maibubuga.
Salamat po sa maraming naiambag ninyong aral sa aking pagkatao at pagkapari. Ipagdasal ninyo na manatili sa amin ang langis ng pagibig ni Kristo para hindi kami maubusan at para laging meron tayong maibubuga hanggang sa pagdating ng sandali ng pagbabalik ng Panginoong magpapatulóy sa atin sa bahay niya dahil inalagaan natin ang ating mga lampara at pinanatiling maliwanag sa gitna ng kadiliman.