174 total views
Welcome development para sa State, Universities at Colleges (SUC) ang inihayag ng Commission on Higher Education (CHED) na libre na ang matrikula sa susunod na taon.
Ayon kay Emmanuel De Guzman, Presidente ng Polytechnic University of the Philippines (PUP), magandang hakbang ito dahil malaking tulong ito sa mga estudyante lalo na sa kanilang pinansiyal na pangangailangan.
Hindi naman batid ni De Guzman kung sapat ang pondo na P8.3 bilyon na paghahatian ng 113 na state, universities at colleges sa bansa.
“Magandang hakbang yan dahil kahit papaano maiibsan ang babayaran ng mga estudyante natin sa public, high recognition, kaya lang kailangan talaga ng sapat na budget diyan para sa state, universities and colleges yun ang kuwestiyon diyan…matagal ng nangangailangan ng budget ang mga state, universities and colleges at yung nakikita kong budget na P8.3 bilyon para dito ay hahatin sa 113 na state, universities and colleges,” pahayag ni De Guzman sa panayam ng Radio Veritas.
Una ng inihayag ng CHED ang paglalaan ng P8.3 Bilyong pondo para sa libreng edukasyon ng mga under graduate course ng SUCs kung saan inaayos na lamang nila ang mga detalye, panuntuan at requirements para dito.
Ayon sa CHED, tinitingnan din nila kung ibabase ang pamamahagi ng pondo sa “bracket system” o masasakop ang lahat ng estudyante.
Sa PUP lamang noong 2013, nasa 68, 249 ang kanilang naging estudyante.