1,889 total views
Labis na ikinalungkot ng Diyosesis ng Marbel ang kinahinatnan ng bundok sa bahagi ng Barangay Ned, Lake Sebu, South Cotabato dahil sa patuloy na pagmimina sa lugar.
Tinukoy sa facebook post ng Marbel Social Action Center ang Daguma Mountain Range na nawala na ang likas na ganda dahil sa tinamong pinsala mula sa operasyon ng coal mining.
Pinangangambahan ito ng mga residente ng Brgy. Ned dahil magbubunsod ito sa mas malaking pinsala mula sa iba’t ibang sakuna tulad ng mga bagyo.
“The beautiful mountain blessed with fertile soil suitable for farming, now turned into a caldera of suffocating dust tilled by huge mining equipment. This update shows that we are now vulnerable to disasters that might put many lives in great danger and destroy our livelihoods,” ayon sa SAC Marbel.
Nauunawaan ng social arm ng Diyosesis ng Marbel na ang pagmimina ay paraan upang makatulong sa pag-unlad ng ekonomiya ng South Cotabato at ng Pilipinas, ngunit hindi pa rin ito katanggap-tanggap dahil sa pinsalang iniiwan nito sa kalikasan.
Ang nasabing coal mining project ay hawak ng San Miguel Energy Corporation na saklaw ang nasa 17-libong ektarya ng kabundukan, at inaasahang makakapagmina ng nasa 180-milyong metriko toneladang karbon.
Una nang nabahala si Marbel Social Action Director Fr. Jerome Millan at sinabing buburahin ng mapaminsalang proyekto ang malawak na sakahan, watershed, at magdudulot ng malawakang pagbaha sa Mindanao.
Iginiit naman ng diyosesis na ang kasakiman para sa panandaliang pakikinabang ang mas naghahantong sa pangmatagalang pinsala at pagdurusa ng mga apektado.
“It is disheartening to witness that these actions go against our collective efforts to preserve and safeguard our environment,” saad ng SAC Marbel.
Gayunman, hinimok nito ang mga mananampalataya na ipagdiwang ang Season of Creation nang may pag-asang mapipigilan ang mapaminsalang paraan ng pag-unlad tulad ng coal mining sa South Cotabato tungo sa kapakanan ng bawat isa at nang mga susunod pang henerasyon.
Ang Daguma Mountain Range ay ang watershed source ng Allah River, isa sa mga pinakamalaking river system ng Mindanao at pangunahing pinanggagalingan ng patubig para sa irigasyon ng mga sakahan.
Tinatayang aabot naman sa higit 54-libong ektaryang sakahan sa Allah Valley ang maaapektuhan ng coal mining.
Una na ring hinamon ni Marbel Bishop Cerilo Alan Casicas ang pamahalaan na muling pag-isipan ang desisyon sa pagpapahintulot sa mga mapaminsalang proyekto sa Mindanao at iba pang bahagi ng bansa.