1,561 total views
Tiniyak ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang pagpapaigting sa pangangalaga ng mga lumang simbahan sa Bohol kasabay ng pagpapalago sa pananampalataya ng nasasakupan.
Ito ang mensahe ng obispo sa pagsapubliko ng tanda bilang Important Cultural Property ng pamahalaan sa Sto. Nino Parish sa Valencia Bohol noong September 3.
“I am filled with gratitude for this recognition as it strengthens to continue nurturing and promoting the spiritual and cultural heritage embodied within the walls of the Sto. Nino Parish; With this declaration of its value as a National Cultural Heritage, ensure its preservation and safeguarding for future generations,” pahayag ni Bishop Uy.
October 11, 2018 ideneklara ng National Museum of the Philippines ang simbahan at kombento bilang Important Cultural Property dahil sa natatanging disenyo nito taglay ang flooring design na gawa sa Balayong na isang uri ng kahoy na nanganganib ng maubos dahil sa illegal logging gayundin ang Molave tree.
Ginanap ang unveiling ng marker kasabay ng pagdiriwang sa ika-152 anibersaryo ng pagkakatatag ng parokya.
Bukod kay Bishop Uy kabilang din sa dumalo ang mga opisyal ng National Museum sa pangunguna ni Rachelle Lacea ng NMP Bohol, Valencia Mayor Dionisio Balite at Fr. Efren Dolauta ang kura paroko ng simbahan.
Ayon sa tala ng National Commission for Culture and the Arts sa mahigit 100 simbahan sa bansa na ideneklarang National Cultural Treasures, Important Cultural Properties, at National Historical Landmarks, 21 sa mga ito ay mula sa Bohol.
Sa naganap na 7.2 magnitude na lindol noong October 2013 ay napinsala ang mahigit sampung lumang simbahan sa lalawigan na ipinakumpuni ng pamahalaan lalo’t bahagi ang mga ito sa kasaysayan ng Pilipinas.