199 total views
Pinapurihan ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ang mga Overseas Filipino workers na nagpabilib muli sa buong mundo matapos silang dumagsa sa Simbang Gabi sa St. Mary’s Catholic Church sa Dubai.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, kinilala sila sa buong mundo gamit ang acronym na OFW o Outstanding Faith Witnesses na makabagong misyonero lalo’t dinadala nila ang kulturang Pilipino saan dako man sila ng mundo.
Sinabi pa ni Bishop Santos na ipinakita muli ng mga OFW na sa gitna ng kanilang pangungulila sa kanilang kaanak at pagod sa trabaho ay lagi pa rin nila inuuna ang Diyos na tangi nilang kinakapitan at pinagkukunan ng lakas.
“Yung ating mga Pilipino ang tawag natin sa kanila OFW pero sa atin at sa ibang bansa kilala rin sila sa OFW, Outstanding Faith Witnesses. Ipinapakita talaga nila ang kanilang pananampalataya at sa kanilang pananampalataya ipinakikita nila na higit silang nagtitiwala, higit silang nanalig at higit silang umaasa sa Diyos sa kabila ng kanilang mga pagpapakasakit at pangungulila at ang kanilang lakas ang kanilang katatagan ay kanilang pananampalataya ang pagtanaw. Ang paglapit sa Diyos at sa kabila ng pagod, puyat ay inuuna nila ang Diyos. At ito ay tanda kung saan talagang malapit ang mga Pilipino at talagang ang Diyos ang ating inuuna, siya ang ating pag – asa, siya ang kasagutan, ang kaligtasan natin,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Radio Veritas.
Sa ulat ng Philippine Statistics Authority noong 2015 nasa mahigit 700,000 ang mga OFWs sa United Arab Emirates habang 450,000 sa mga ito ay naninirahan sa Dubai na bumubuo sa 21.3 porsyento ng kabuuang populasyon ng Dubai.
Sa tala naman ng Khaleej Times ang UAE na tirahan ng halos 200 nationalities na binubuo ng walong bansa kabilang na ang Pilipinas nakapagtaya ng mahigit $26 bilyong kabuuang remittances na siyang ikina – angat ng ekonomiya ng UAE.
Nauna na ring sinabi ng Kanyang Kabanalan Francisco noong bumisita ito sa Pilipinas noong 2015 na ang mga OFWs ang mga makabagong misyonero ng Ebanghelyo sa buong mundo dahil sa kanilang buhay na patotoo sa pananampalatayang Katoliko.