484 total views
Mga Kapanalig, kumusta ang pamimili ninyo sa palengke? Anu-ano ang nabibili ninyo sa dala ninyong badyet? Nakahanap na ba kayo ng bigas na bente pesos kada kilo? Ilang isda o piraso ng gulay ang kasya sa badyet ninyo?
Ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang nangunguna lagi sa listahan ng mga isyung nais ng publikong tutukan ng gobyerno. Isang taon mula nang manungkulan si Pangulong BBM, ang pagkontrol sa inflation o ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga produkto, lalo na ng pagkain, ang top concern ng mga Pilipino, ayon sa survey na isinagawa ng Pulse Asia.
Malaking hamon ito sa kasalukuyang administrasyon lalo na’t lumalabas na isa ang Pilipinas sa mga bansang pinakalantad o “most at risk” sa tumataas na presyo ng pagkain. Ayon iyan sa Nomura Food Vulnerability Index. Limampu sa mga bansang pinaka-vulnerable o kulang ang kakayahang makayanan o harapin ang tumataas na presyo ng pagkain ay tinatawag na emerging market economies. Kasama rito ang Pilipinas.
Hindi raw nakatutulong na malaki ang ating pagdepende sa pagkaing inaangkat mula sa ibang bansa. Ito nga ang pangunahing estratehiya ng pamahalaan upang impluwensyahan ang presyo ng mga bilihin; kapag mas marami kasi ang suplay ng iba’t ibang uri ng pagkain, maasahang magiging stable—kung hindi man bababa—ang presyo ng mga ito sa pamilihan.
Sa darating na Oktubre nga, papasok ang nasa 35,000 metriko toneladang galunggong mula sa ibang bansa. Ito raw ay para mapunan ang kakulangan natin sa galunggong ngayong closed fishing season na ipinatutupad upang hindi raw maubos ang mga isda sa sarili nating mga karagatan. Sa pagitan naman ng Nobyembre ngayong taon at Enero ng susunod na taon papasok ang halos kalahating milyong metriko toneladang bigas na aangkatin natin mula sa ibang bansa. Ang pag-aangkat ng bigas ay para daw punan naman ang inaasahang pagkasira ng mga tanim na palay dahil sa El Niño. Isa na nga tayo sa may pinakamaraming binibiling bigas mula sa ibang bansa.
Pilit na pinahuhupa ng gobyerno ang mga pangambang mayroon tayong krisis sa pagkain. Ginagawa raw nito ang lahat upang tiyaking may pagkain sa ating mga mesa, lalo na para sa tinatayang 5.3 milyong Pilipinong walang pagkain o hindi nakakakain. (Ang datos na iyan ay mula sa United Nations Food and Agriculture Organization.) Ipinagmamalaki ng gobyerno ang mga Kadiwa stores kung saan sinasabing mas mura ang mga bilihin dahil sinasalo ng gobyerno ang gastos sa transportasyon upang madala ang mga produkto ng mga magsasaka sa mga tindahang ito. Ngunit hindi sasapat ang mga ito sa harap ng bultu-bultong produktong inaangkat nating lantad naman sa pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Hindi madaling resolbahin ang problema natin sa pagkain, ngunit magsimula sana ang gobyerno sa pagtulong sa ating mga magsasaka at mangingisda. Matagal na nilang panawagan ang sapat at tuluy-tuloy na suporta upang mapalago ang kanilang ani nang hindi sila nababaon sa utang para sa abono at iba pang mga kailangan nila. At ang tulong na ito ay dapat makarating sa kanila sa lalong madaling panahon at sa malinis na paraan—walang bawas, walang katiwalian. Ang pagtugon sa problema natin sa pagkain ay mahalaga sa pagtataguyod ng karapatan natin sa pagkain, isang karapatang sandigan ng ating dignidad bilang mga tao.
Mga Kapanalig, ipinagkakaloob ng Diyos ang lahat ng ating mga pangangailangan, wika nga sa Filipos 4:19. Kasama sa mga pangangailangang ito ang pagkain, at katuwang natin sa pagkamit nito ang ating mga magsasaka at mangingisda. Kung gaano kasigasig ang gobyernong bumili ng pagkain sa ibang bansa, ganoon din sana ito sa pag-aabot ng tulong sa mga kababayan nating kumakayod upang tayo ay may makain.
Sumainyo ang katotohanan.