1,837 total views
Umaasa si Capiz Archbishop Victor Bendico na makamit ng inang kalikasan ang matagal nang inaasam na katarungan at kapayapaan.
Ayon kay Archibishop Bendico, na katulad ng tubig na umaagos sa ilog, ang katarungan at kapayapaan nawa’y umagos at magbigay-buhay sa puso ng bawat isa upang mahikayat na pangalagaan ang nag-iisang tahanan.
Ang mensahe ng arsobispo ay kaugnay ng pakikiisa sa Season of Creation 2023 na may temang “Let Justice and Peace flow” mula kay Propeta Amos.
“Tulad ng ilog na mayroong tubig na umaagos at nagbibigay-buhay sa bawat dinaraanan nito, sana ang hustisya at kapayapaan ay matamo at magbigay-buhay sa bawat puso na dinaraanan at pinapasukan nito.” pahayag ni Archbishop Bendico sa panayam ng Radio Veritas.
Tinukoy ni Archbishop Bendico ang kalagayan ng mga anyong lupa at tubig sa bansa na patuloy ang pagkasira dahil sa mapaminsalang gawain ng mga tao.
Kabilang dito ang pagmimina, pagpuputol ng mga punong-kahoy, seabed quarrying, reclamation, at suliranin sa basura.
Iginiit ni Archbishop Bendico na ang mga likas na yamang natutunghayan ng mga tao ay hindi pag-aari ng sinuman, bagkus ay handog lamang ng Diyos upang turuan ang bawat isa na maging mabubuting katiwala ng sangnilikha.
“Hustisya para sa ating kabundukan, lupain, mga ilog, mga kahoy na inaabuso ng mga sakim na mga mamayanan. Sana sagana at maramdaman ang kapayapaan sa ating kapaligiran. Pope Benedict XVI taught us by saying: ‘If you want peace, protect the environment’.” saad ni Archbishop Bendico.
Nitong Setyembre 3 ay pinangunahan ng arsobispo ang paglulunsad ng Season of Creation sa arkidiyosesis sa pamamagitan ng banal na Misa sa Immaculate Conception Metropolitan Cathedral sa Roxas City, Capiz.
Tampok sa pagdiriwang ang pagtatalaga sa Laudato Si’ Warriors bilang ecology ministers ng arkidiyosesis na magsisilbing kinatawan sa bawat parokya at pamayanan sa pagsusulong ng mga programa para sa kalikasan.
Bago rin ang banal na Misa ay namahagi ng free seedlings ang Department of Agriculture Region 6-Capiz Research Outreach Station at Capiz Provincial Environment and Natural Resources Office bilang paghikayat sa lahat na makibahagi sa reforestation efforts at yakapin ang makakalikasang pamumuhay.