1,639 total views
Magtitipon ang Commission on the Laity (COL) ng Archdiocese of Cebu upang paghandaan ang nakatakdang pagpupulong sa pagitan ng mga pari para sa SUGBUSWAK o paghahati ng arkidiyosesis.
Ayon kay COL Chairperson Fe Barino ito ay bahagi ng paggunita sa National Laity Week na isasagawa ng arkidiyosesis sa September 23, ganap na ala una ng hapon hanggang alas sais ng gabi sa IEC Convention Center sa Cebu City.
“Bishop Midyphil “Dodong” Billones, Auxiliary Bishop of Cebu, will present to us the important role of the Lay Faithful in the Archdiocese of Cebu, as we prepare to journey together in synodality with our Priests, for the coming of SUGBUSWAK.” bahagi ng pahayag ni Barino.
Naniniwala si Cebu Archbishop Jose Palma na malaki ang gagampanang tungkulin ng mga Layko upang maisakatuparan ang SUGBUSWAK.
Sa nagdaang plenary assembly ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines noong Hulyo kinatigan ng kalipunan ang kahilingan ni Archbishop Palma na hahatiin ang arkidiyosesis upang higit na mapaglingkuran ang halos limang milyong katoliko sa lalawigan.
Dahil dito inaanyayahan ni Barino ang bawat lay organizations na magpadala ng limang kinatawan na dadalo sa pagtitipon upang higit maunawaan ang layunin ng simbahan ng Cebu.
Makipag-ugnayan lamang sa Lay Organizations Movements Association and Services o sa mga lay leaders ng mga parokya, bikaryato at District Coordinators para sa karagdagang detalye at sa registration fee na P100.
Ang gawain ng Layko Cebu ay alinsunod sa temang National Laity Week 2023 na ‘Enabled Laity…Key to Succesful Synodal Journey’.