1,303 total views
Kinilala ng social arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang paninindigan ng publiko upang makibahagi sa pagtugon sa krisis sa klima at kalikasan ng bansa.
Ayon kay Caritas Philippines President at Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, malaki ang magagawa ng sama-samang pagtutulungan at panawagan ng mamamayan upang mabigyang-pansin ang mga nangyayaring pagbabago sa kapaligiran.
Nababahala ang obispo dahil ang patuloy na epekto ng nagbabagong klima ay nagdudulot ng labis na pinsala hindi lamang sa kapaligiran, kun’di higit sa buhay ng mga tao lalo na sa mga mahihirap.
“Climate change is a real threat to the Philippines. We need to take urgent action to address this crisis, and we need to ensure that the most vulnerable are protected.” pahayag ni Bishop Bagaforo.
Patuloy na sinisikap ng Caritas Philippines na paigtingin ang kamalayan ng publiko hinggil sa climate crisis at ang epekto nito sa mga mahihirap na mamamayan.
Iginiit ng institusyon na ang pakikiisa ng publiko upang tutulan ang pagmimina at iba pang mapaminsalang industriya ay palatandaang alam ng mga tao ang negatibong kahihinatnan ng kapaligiran at lipunan mula sa mga ganitong uri ng gawain.
Muli namang binanggit ni Bishop Bagaforo ang paninindigan ng simbahan sa pag-alis sa pamumuhunan sa paggamit ng fossil fuel, at hinikayat ang lahat na sumunod din sa inisyatibo para sa ikabubuti ng lahat at ng mga susunod pang henerasyon.
“The Philippine Catholic Church has committed to divest from fossil fuels by 2025, and we urge other organizations and institutions to do the same. We need to move away from these destructive industries and invest in sustainable development, for the sake of our common home.” saad ni Bishop Bagaforo.
Taong 2019 nang maglabas ng pahayag ang CBCP hinggil sa ‘divestment’ sa mga institusyong sumusuporta sa maruming enerhiya, at Pebrero 2022 naman ng muling manawagan para sa sama-samang pagtugon sa krisis sa klima ng bansa.