271 total views
Lalong nabagabag ang rector ng National Shrine of Our Mother of Perpetual Help Baclaran Redemptorist Church sa naging reaksyon ng publiko sa ‘photo gallery’ ng mga biktima ng Death Under Investigation (DUI) na kanilang inilagay sa Simbahan.
Ayon kay Fr. Joseph Echano, nakakabahala lalo na at tila marami ang may gusto talaga ng mga patayang nagaganap ngayon at tila sinasamba na nila ang Pangulo ng bansa dahil sa uri ng kampanya nito laban sa iligal na droga.
Nalulungkot din ang pari dahil mas binatikos pa sila sa halip na magnilay ang mga mananampalataya na wala ng paggalang sa buhay ang gobyerno at tila natutuwa pa sila sa nagaganap na patayan sa halip na mangamba.
“Nababagabag kami, kasi napunta sa photo gallery at hindi na dun sa killing, nasaan na ang pananampalataya nila, parang ang mas dini-Diyos nila pa ang presidente, ano na yung bunga ng pananampalataya nila. Alam ninyo malalim ang naging impact sa amin,” pahayag ni Fr. Echano sa panayam ng Radio Veritas.
Dagdag ni Fr. Echano, inilagay nila ang photo-gallery sa Baclaran Church upang ipaalam at umapela sa publiko na ang bawat tao ay may dignidad na kahit ang mga tinaguriang kriminal ay mga tao na may karapatang mabuhay at bigyang pagkakataon na magbago.
“Yung purpose ng photo gallery is to appeal to humanity, a sense of dignity sa kanila na hindi tayo Barbarian, kahit drug addict yan taon yan, hindi basta basta papatayin na parang baboy na pinapatay sa harapan pa ng kanilang mga anak,” pahayag pa ng pari.
Sa ulat ng Philippine National Police (PNP), nasa 2,124 na pinaghihinalaang users at pushers ang napatay mula Hulyo 1 hanggang Disyembre 18 ng taon habang nasa 3,993 ang kaso ng death under investigation.
Mariing iminungkahi ng mga obispo ng Simbahan sa pamahalaan na lutasin ang problema ng bansa sa ilegal na droga sa pamamagitan ng legal na pamamaraan, pagsasaalang sa tama, makatwiran at makatarungang pamamaraan na may paggalang sa buhay at karapatan ng bawat isa.