4,389 total views
Kinundina ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang panibagong kaso ng karahasan sa diyosesis partikular na sa Navotas City.
Eksaktong isang buwan makalipas na mapaslang ng Navotas City Police ang 17-taong gulang na si Jemboy Tolentino Baltazar dahil sa mistaken identity noong ikalawa ng Agosto, 2023 ay pinaslang naman ng hindi pa nakikilalang mga salarin ang kaibigan nito na si Daniel Gaudia Soria, 20-taong gulang noong ikalawa ng Setyembre, 2023.
Sa pamamagitan ng kanyang Facebook post ay ibinahagi ng Obispo ang kanyang pagkadismaya sa pagkakadagdag ni Soria sa mahabang listahan ng DUI o death under investigation sa bansa.
Ayon kay Bishop David maituturing na isang palaisipan kung kanino maaring tumakbo at humingi ng katarungan ang mga biktima ng karahasan sa lipunan kung wala namang nag-iimbestiga at kung ang mga dapat na nag-iimbestiga ay sila ding iniimbestigahan.
“ANOTHER DUI (“death under investigation“) Whom will the citizens run to when no investigation is being done by those who are supposed to do the investigating? Who will do the investigating when the supposed investigators are those who need to be investigated?” Ang bahagi ng pahayag ni Bishop David.
Una ng inihayag ni Bishop David na sinasalamin ng mga patuloy na karahasang nagaganap sa lipunan ang culture of impunity na lumaganap noong nakalipas na administrasyong Duterte.
Iginiit ng Obispo na ang pagkitil sa buhay ng sinuman maging ng mga hinihinalang sangkot sa droga o anumang krimen sa lipunan ay mananatiling ilegal, imoral at isang malinaw na paglabag sa batas ng tao at batas ng Diyos.
Matatandaang una na ring nanawagan si Bishop David sa mga kawani ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas na gampanan ang kanilang mandato bilang alagad ng batas at tagapagtanggol ng mamamayan sa lipunan.