2,183 total views
Muling magtitipon-tipon ang mga pari mula sa walong ecclesiastical jurisdictions ng Bicol region na nasa ilalim ng manto ng Mahal na Ina ng Peñafrancia na siyang patron ng Bicolandia.
Nakatakda ang Union of Bicol Clergy sa Holy Rosary Minor Seminary sa ika-12 hanggang ika-14 ng Setyembre, 2023 na may tema ngayong taon na ‘Deepening Our Regional Priestly Brotherhood with Ina.’
Ang Union of Bicol Clergy ay taunang pagtitipon ng mga pari ng Bicol region na layuning sama-samang manalangin, magkatipon at higit na mapalalim ang pagkakapatiran sa ilalim ng paggabay ng Mahal na Ina ng Peñafrancia.
“On September 12-14, 2023, the Bicol clergy will once again gather at the Holy Rosary Minor Seminary to give homage to the Queen of Bicolandia and to strengthen their Presbyteral camaraderie through prayers and sports and to discuss pertinent matters. As we prepare for this big event, let us pray for its success.” pahayag ng Union of Bicol Clergy (UBC).
Sa loob ng nasabing tatlong araw ay gugunitain at ipagdiriwang din ng mga pari ng walong ecclesiastical jurisdictions ng Bicol region ang kapistahan ng Nuestra Señora de Peñafrancia na itinuturing na “Reina del Bicol” o Queen of Bicolandia.
Bahagi din ng tatlong araw na pagtitipon ang aktibong pakikilahok ng mga pari sa mga larong pampaligsahan tulad ng basketball, lawn tennis at table tennis, kung saan noong nakalipas na taon ay naiuwi ng military priest mula sa Military Ordinariate of the Philippines ang UBC 2022 Overall Championship.
Kabilang sa walong ecclesiastical jurisdictions ng Bicol region ang Arkidiyosesis ng Caceres, mga Diyosesis ng Libmanan, Daet, Legazpi, Virac, Sorsogon at Masbate, kabilang na rin ang Military Ordinariate of the Philippines.