191 total views
‘Ipokrito.’
Ganito isinalarawan ni Manila auxiliary bishop Broderick Pabillo, ang paghingi ng tawad at panalangin ni Philippine National Police Chief Director Chief Supt. Ronald “Bato” Dela Rosa kaugnay sa mga nagaganap na patayang may kinalaman sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
Ayon sa obispo, chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity, hindi katanggap-tanggap ang paghingi ng kapatawaran subalit patuloy pa ring ginagawa ang masamang pamamaraan.
Payo ni bishop Pabillo, kung talagang taos-puso ang pagsisisi at paghingi ng tawad, marapat na ihinto na ang masamang ginagawa, ayusin ang sistema ng kapulisan at arestuhin ang mga nasa likod ng vigilante killings.
“Ang paghingi ng tawad na hindi nagbabago ang paraan yan ay ipokrito! Hihingi ka ng tawad tapos tuloy ang gagawin mong pagpatay, sorry na lang ang tinamaan, anong sorry nila buti kung nasugatan lang eh pinatay nila yan. Kaya kung talagang nagsisisi yan at nanghihingi ng tawad itigil na hanap ng ibang paraan, ayusin ang kapulisan, hulihin ang mga gumagawa ng vigilante killings. Hindi sapat ang mangumpisal lamang at pagkatapos tuloy ang ginagawa mong kasalanan at least magkumpisal ka na magbago, kung walang pagbabago walang sorry yan, salita lang yan,” pahayag ni Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Una nang humingi ng tawad sa Diyos si Gen. Dela Rosa kaugnay sa mga patayang nagaganap kasabay ng paumanhin kung bakit kailangan maganap ang mga pamamaslang na ito at magpapatuloy pa.
Sa ulat ng Philippine National Police (PNP), nasa 2,124 na pinaghihinalaang users at pushers ang napatay mula Hulyo 1 hanggang Disyembre 18 ng taon habang nasa 3,993 ang kaso ng death under investigation.