1,991 total views
Iginiit ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa pamahalaan na pangunahan ang mga inisyatibong tulungang mapabuti ang kalagayan ng mga guro at sektor ng edukasyon sa Pilipinas.
Ito ang hamon ni Vladimer Quetua, ACT National Chairperson sa pagpapatuloy ng paggunita ng National Teachers Month simula September 05 at magtatapos sa araw ng International Teachers Day sa October 05.
Panalangin ni Quetua na paigtingin ng pamahalaan ang pakikinig sa hinaing ng mga guro upang matugunan ang mga suliranin na katulad ng kakulangan ng teaching force at mga classrooms sa mga pampublikong paaralan.
“kaya itong buwan ng mga guro hindi simpleng paggunita kungdi ito ay simpleng pagkakaroon ng mga aktibidades para doon sa panawagan sa gobyerno,so sa usapin na kilalanin yung nagawa ng mga teachers sa education sector at suportahan yung kaniyang panawagan,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Quetua.
Unang mungkahi ng opisyal ng ACT ang pagdadagdag ng mga guro at pagtataas sa kanilang natatanggap na suweldo upang maging sapat ang teaching force ng Pilipinas kumpara sa dami ng mga estudyante.
“Binibigyan natin ng pagpupugay yung ating mga kapwa guro at mga education support personnel, saludo tayo sa kanila, ang tema ngayon ng international teachers day ay ‘Transformation Educations comes from teachers’ ibig sabihin malaking hamon sa atin at sa gobyerno narin na ang mga guro ay talagang dapat tulungan ng gobyerno,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Quetua.
Patuloy din ang Catholic Bishops’ COnference of the Philippines sa Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education sa pagkilala sa sakripisyo ng mga gurong nagsisilbing ikalawang magulang ng mga mag-aaral sa kanilang paglaki.