6,006 total views
Higit na pagpapabuti ng simbahan sa buong mundo ang pangunahing hangarin ng Synod on Synodality na inisyatibo ng Santo Papa Francisco na nagsimula noong 2021 na magtatapos sa Oktubre ng susunod na taon.
Ayon kay Papal nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown, ang sinodo na nagsimula sa mga parokya at diyosesis sa buong mundo ay layuning makita ang nararanasan at mga karanasan ng simbahan at kung paano pa mapapalago ang pananampalataya.
Naniniwala din ang arsobispo na sa pamamagitan ng synod ay marami ang matutunan ng simbahan sa bawat bansa sa pakikinig sa iba’t ibang usapin at suliraning kinakaraharap.
“To bring everybody together and so different sectors of the church could listen to the experience of sectors where church life is more vibrant, more alive and we can learn from successes but we may also learn from the failures and setbacks,” ayon kay Archbishop Brown.
Binigyang halimbawa din ni Archbishop Brown ang bumababang bilang ng mga katoliko kabilang na sa Europa at North America, habang yumayabong naman sa iba pang panig ng mundo.
Gayundin ang mabuting pakikipamuhay sa kapwa na iba ang paniniwala, kultura at pananaw.
“The idea of being sent is part of the church’s nature and the idea of the synodal experience was to reflect on that reality and to think about how we can be more missionary in the current context of the world. How we can spread the message of Christ and bring people to know him and receive the sacraments in the Catholic church,”pahayag ni Archbishop Brown sa Pastoral visit on-air sa Radio Veritas
Sinabi ng arsobispo sa programang Pastoral visit on-the-air ng Radyo Veritas, nais ng Santo Papa na mapakinggan ang karanasan ng bawat kasapi ng simbahan lalo na sa mga pinakamalalayong lugar.
Sa October ngayong taon inaasahan ang pakikibahagi ng Santo Papa Francisco at mga kasapi ng sinodo sa gaganaping pagpupulong sa Vatican, ganun din sa Oktubre ng 2024 bilang pagtatapos ng synod.
Tema ng Synod on Synodality ang ‘Communion, Participation and Mission,’ kung saan sa 2025, inaasahan ding maglalabas ng dokumento si Pope Francis kaugnay sa resulta ng naging pagtitipon ng simbahan.