1,338 total views
Tugunan ang suliranin ng ‘rice cartel’ na pinapataas ang presyo ng bigas at pinahihirapan ang parehong mga consumer at suppliers.
Ito ang hamon ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari sa implementasyon ng Executive Order No.39 o (EO 39) na itinatakda sa 41-pesos ang presyo ng regular milled rice at 45-pesos naman ang presyo kada kilo ng regular milled rice.
Ayon sa Obispo, bagamat makakatulong sa mga consumer ang pagtatakda ng polisiya na abot kaya ng mga mahihirap ang presyo ng bigas ay nanatili pa ring problema ang rice cartel na kumu-kontrol sa halaga ng bigas.
Binigyan diin ng Obispo na matagal ng problema sa bansa ang rice cartel ngunit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring napaparusahan sa kabila ng maraming imbestigasyon na isinagawa ng Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso.
“Matagal ng alam at pinag-uusapan ang rice cartel, ngunit mayroon na bang naparusahan o nakulong dahil dito? Sa EO, sino na naman ang magiging most vulnerable sa hulihan at parusahan, yun bang malalaking cartel o ang mga pipitsuging rice retailers sa mga palengke, na kumikita lamang depende sa volume ng kanilang benta kada araw.” ayon sa mensaheng ipinadala ni Bishop Mallari sa Radio Veritas.
Iginiit ni Bishop Mallari na nararapat mapanagot sa batas ang mga nasa likod ng rice cartel na nagmamanipula sa presyo ng bigas sa bansa.
Ikinalulungkot din ng Obispo ang kawalan ng kapangyarihan ng gobyerno na itakda sa abot kayang presyo ng bigas dahil sa Rice Tarification Law kung saan ang malalaking rice suppliers, traders at millers ang nakikinabang sa kakapusan ng supply nito sa merkado
“Ang RTL ay sinasabing mabuti sa mga magsasaka dahil sa dulot na modernization na mag-aangat ng produksyon, at mainam din sa mga consumers dahil sa mas murang bigas mula sa importasyon. Kung susuriin, kapag mataas ang ani, bumababa naman ang presyo ng palay, dahil ito ay idinidikta ng mga palay buyers at traders, Pagkatapos, ang bigas naman ay hindi maibebenta sa mababang presyo ng mga rice retailers, dahil mataas ang presyo ng pagka-angkat nito mula sa mga rice suppliers/traders o millers na siya ring nagse-set ng presyo. Sa dulo, tunay na nasa kamay ng mga dambuhalang traders ang kapangyarihan sa presyo ng palay at bigas at wala sa gobyerno, nang dahil sa RTL.” ayon pa sa mensaheng ipinadala ni Bishop Mallari sa Radio Veritas.
Katulad ng mga grupong Federation of Free Farmers at Kilusang magbubukid ng Pilipinas ay patuloy din ang pagtutol ng Bantay Bigas sa pagpapairal ng Rice Tarrification Law.
Sa kabila ng pangakong tulong ng pamahalaan sa pamamagitan ng malilikom na buwis ng batas, ay umabot sa 19-bilyong piso ang ikinalugi ng mga lokal na magsasaka ng palay ng dahil sa pag-iral ng batas noong 2019.