1,698 total views
Ito ang mensahe ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care executive secretary, Camillian Father Dan Cancino, hinggil sa patuloy na suliranin ng bansa sa pagtugon sa mental health.
Ayon kay Fr. Cancino, karamihan sa mga taong nakakaranas ng anxiety at depression ay ang mga kabataan dahil sa epekto ng teknolohiya.
Paliwanag ng pari na bagamat kaakibat na ng buhay ang teknolohiya, nagiging hadlang din ito sa pagkakaroon nang maayos na ugnayan sa kapwa lalo na sa pamilya.
“Nagkukulang tayo ng personal na ugnayan sa isa’t isa. Epekto rin ito ng komunikasyon. Ang ating komunikasyon ay nadadaan na lang sa mga mobile or online applications. May advantage talaga ‘yung mga apps ngunit nawawala ‘yung koneksyon bilang tao—tao sa tao, puso sa puso. Kaya tuloy marami sa ating mga kabataan o kapanalig ang nagkakaroon ng anxiety o depression,” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Inihayag din ni Fr. Cancino na karamihan sa mga tao ay nakakaligtaan nang pagyabungin ang buhay-pananampalataya dahil itinutuon ang sarili sa pagpapabuti ng pisikal na katangian.
Sinabi ng pari na higit na mahalaga ang pagpapatatag ng pananampalataya sa Panginoon dahil ito’y nagsisilbing gabay upang mas maunawaan ng bawat isa ang mga plano ng Diyos at ang kahalagahan ng buhay.
“Pinakamahalaga ay ‘yung espiritwal na buhay natin. Nafo-form natin ‘yung katawan, ang dami nating mga gym at vitamins pero paano natin alagaan ‘yung ating spiritual life? Hindi nalalayo ang mental health doon sa nurturing of faith—pagpapalalim ng ating buhay pananampalataya,” saad ni Fr. Cancino.
Ibinahagi naman ng opisyal ng CBCP ang tungkulin ng simbahan na mapawi at baguhin ang mga nakasanayang gawi na nakakaapekto sa pakikitungo sa mga nakakaranas ng pagkabalisa at labis na kalungkutan.
Ayon kay Fr. Cancino, pinapalaganap ng komisyong pangkalusugan ng simbahan ang mga pagsasanay sa bawat diyosesis at parokya hinggil sa mental health.
Sinabi ng Pari na sa ganitong paraan ay mapagtutuunan ang mga nangangailangan ng makakausap upang damayan sa paglalakbay sa dilim at muling matagpuan ang liwanag ng pag-asang hatid ng Panginoon.
“Sa pakikipag-usap ay madi-diskubre nila ang kagandahan ng ugnayan sa Diyos, buhay pananampalataya, pagdarasal, interpersonal relationship, at pagkakaroon ng kaibigang personal hindi lang virtual friend. Hindi ka namin pababayaan, meron kang kasama sa paglalakbay,” ayon kay Fr. Cancino.
Sa mga nakakaranas ng mental health crisis, makipag-ugnayan sa National Center for Mental Health sa landline sa mga numerong 1553 o sa mobile sa 0917-899-8726 at 0966-351-4518 para sa Globe at TM subscribers, at 0908-639-2672 para naman sa mga Smart, Sun, at TNT subscribers.