169 total views
Nakikiisa ang Caritas Philippines sa isinusulong na programa ng pamahalaan na libreng pagpapa-ospital sa mga mahihirap gayundin ang free tuition fees sa mga states universities and colleges o SUCs sa bansa sa susunod na taon.
Ayon kay Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona, mainam ang ganitong programa lalo’t hindi nararamdaman ng mga taga – probinsya ang benepisyong pang – kalusugan at edukasyon mula sa pamahalaan.
Pinaalalahanan rin ni Archbishop Tirona, national director ng NASSA/Caritas Philippines ang pamahalaan na iwasang magamit sa pansariling interes o korapsyon ang nararapat na serbisyong maipagkaloob sa ikabubuti ng kalagayan ng mga mahihirap at mga estudyante.
“Alam natin na ang buhay ng tao ay mahirap pa rin, ayun sa probinsiya halos hindi maramdaman ang blessing ng medical care pati na ang edukasyon. Kaya nakikiisa kami sa magandang programa na sana maipatupad talaga. Basta huwag lang siyempre gagamitin ang mga kabataan natin at ang ating mamamayan sa anumang uri ng agenda na ikabubuti ng ating bansa,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Tirona sa Radyo Veritas.
Nabatid na 11.4-milyong mahihirap sa bansa ang makikinabang sakaling maisabatas ang libreng pagpapa-ospital at gamot. Habang ang free education program sa 114 na SUCs ay popondohan ng pamahalaan ng P8. 3 bilyong piso. Sa ngayon ay 1.4 na milyon pa lamang ang mga nakikinabang mula sa Higher Education Support Fund.
Sa panig naman ng Caritas Manila na kaisa ng Caritas Philippines ay mayroon ng limang libong iskolar sa programa nitong Youth Servant Leadership and Education program sa buong bansa at nagpapa – abot rin ng tulong sa mga mahihirap na Pilipinong nanawagan ng tulong gamit ang programang Caritas sa Veritas ng Radyo Veritas.
Read: http://www.veritas846.ph/celebrities-na-nagkaloob-ng-yaman-sa-segunda-mana-pinasalamatan-ng-caritas-manila/
http://www.veritas846.ph/pag-ibig-ng-diyos-ipagkaloob-sa-kapwa/