2,559 total views
Nagpapasalamat ang Diyosesis ng Malolos sa pagkilalang iginawad ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa Immaculate Conception Parish Cathedral & Minor Basilica o mas kilala bilang Malolos Cathedral para sa mahalagang ambag nito sa kasaysayan ng bansa.
Sa naganap na unveiling ng national historical marker sa katedral, ibinahagi ni Malolos Bishop Dennis Villarojo ang lubos na pasasalamat sa pagkilala sa Malolos Cathedral na nagsilbing dating tahanan at tanggapan o Palacio Presidencial ni dating Pangulong Emilio Aguinaldo na pangulo ng Pamahalaang Rebolusyonaryo ng Pilipinas.
“Maraming salamat po saksi ang katedral at simbahang ito sa mga mahahalagang tagpo sa ating kasaysayan tayo ang nagsilbing tahanan ng ating President Emilio Aguinaldo noong unang republika at ngayon ay buong puso nating tinatanggap ang pagkilala sa makasaysayang lugar na ito.” Ang bahagi ng mensahe ni Bishop Villarojo.
Ibinahagi ni Obispo na mahalaga ang pagkilala ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas sa mahahalagang tagpo sa kasaysayan na nasaksihan ng Malolos Cathedral na isa ring paalala sa katotohanang magkaugnay ang mayamang kasaysayan ng isang bayan sa patuloy na pagpapalago ng pananampalataya sa Maykapal.
“Ito ay tanda na ang Simbahang ito ay lugar ng pananampalataya, pananalangin, pagkakaugnay, pagkakaugat sa malalim na kultura na mayroon tayo at mga makasaysayang kaganapan sa ating bansa. Tauspusong pasasalamat po sa Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas sa pagkilalang ito sa ating minamahal na simbahan Inmaculada Concepcion ng Lungsod ng Malolos.” Dagdag pa ni Bishop Villarojo.
Tiniyak naman ni Bishop Villarojo ang patuloy na pangangalaga at pagpapayabong sa misyon ng Malolos Cathedral hindi lamang sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoon kundi maging sa paghuhubog sa mamamayan upang patuloy maging tagapagmana ng dakilang kasaysayan ng lalawigan sa pamamagitan na patuloy na pagsusulong ng kalayaan at demokrasya ng bansa.
Nakalimbag sa panandang pangkasaysayan na matatagpuan sa Malolos Cathedral ang mga katagang “Malolos: Landas ng Pagkabansang Pilipino 1898-1899” na kumikilala sa mahalagang papel na ginagampanan ng Malolos, Bulacan bilang saksi sa pagkabansa ng Pilipinas na kauna-unahang republika sa buong Asya.