3,057 total views
Martes ng Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kay San Januario (Jenaro), obispo at martir
1 Timoteo 3, 1-13
Salmo 100, 1-2ab. 2kd-3ab. 5. 6
Malinis na pamumuhay
ang aking pagsisikapan.
Lucas 7, 11-17
Tuesday of the Twenty-fourth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Januarius, Bishop and Martyr (Red)
UNANG PAGBASA
1 Timoteo 3, 1-13
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo
Pinakamamahal, totoo ang kasabihang ito: Ang nagnanais na maging tagapangasiwa sa simbahan ay naghahangad ng mabuting gawain. Kaya, kailangang wala siyang kapintasan, isa lamang ang asawa, marunong magpigil sa sarili, maingat, kagalang-galang, bukas ang tahanan, at mabuting tagapagturo. Kailangan ding siya’y hindi mahilig sa alak, hindi mapusok kundi mahinahon at maibigin sa kapayapaan, hindi gahaman sa salapi. Kailangang siya’y mahusay mamahala sa sariling sambahayan, iginagalang at sinusunod ng kanyang mga anak. Paano makapangangasiwa nang maayos sa simbahan ng Diyos ang isang tao kung ang sambahayan lang niya’y hindi kayang pamahalaan? Kailangang siya’y matagal nang nananampalataya; kung hindi, baka siya’y maging palalo at tuloy mahatulan gaya ng diyablo. Kailangan ding siya’y iginagalang ng mga taong hindi kaanib sa simbahan at nang di siya mapulaan at hindi mahulog sa bitag ng diyablo.
Kailangan namang ang mga magiging tagapaglingkod sa simbahan ay marangal, tapat mangusap, hindi sugapa sa alak at hindi sakim. Kailangang sila’y tapat sa pananampalataya na ating ipinahayag at walang dapat ikahiya. Kailangang subukin muna sila at makitang marapat bago gawing tagapaglingkod. Kailangang ang kanilang mga asawa ay matitino, at hindi mapanirang-puri kundi mabait, at tapat sa lahat ng bagay. Kailangan ding isa lang ang asawa ng isang tagapaglingkod sa simbahan, maayos siyang mamahala sa sariling sambahayan at mabuting magpasunod sa kanyang mga anak. Ang tagapaglingkod na tapat sa tungkulin ay igagalang ng lahat, at buong tapang nilang maipapahayag ang pananampalatayang napasaatin dahil sa ating pakikipagkaisa kay Kristo Hesus.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 100, 1-2ab. 2kd-3ab. 5. 6
Malinis na pamumuhay
ang aking pagsisikapan.
Ang aking awitin ay ang pagtatapat at ang katarungan;
ako’y umaawit patungkol sa iyo, O Poon kong mahal;
ang aking susunding tumpak na ugali’y walang kapintasan,
kailan ka kaya darating sa aki’t ako’y lalapitan?
Malinis na pamumuhay
ang aking pagsisikapan.
Malinis ang budhing mamumuhay ako sa aking tahanan,
sa buhay kong ito ang gawang masama’y di ko tutulutan.
Malinis na pamumuhay
ang aking pagsisikapan.
Siyang naninira ng kanyang kapwa’y aking wawasakin;
di ko papayagan ang mapagmalaking hambog kung tumingin.
Malinis na pamumuhay
ang aking pagsisikapan.
Ang lahat ng taong nagtatapat sa Diyos, ako ay kaisa,
sa aking palasyo ay papayagan ko na doon matira,
kung tunay na tapat ay tutulutan ko na maglingkod sila.
Malinis na pamumuhay
ang aking pagsisikapan.
ALELUYA
Lucas 7, 16
Aleluya! Aleluya!
Narito at dumating na
isang dakilang propeta,
sugo ng D’yos sa bayan n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 7, 11-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, pumunta si Hesus sa isang bayang tinatawag na Nain. Sumama sa kanya ang kanyang mga alagad at ang napakaraming tao. Nang malapit na siya sa pintuan ng bayan, nasalubong niya ang libing ng kaisa-isang anak na lalaki ng isang babaing balo. Marami ang nakikipaglibing. Nahabag ang Panginoon nang makita ang ina ng namatay, at sinabi sa kanya, “Huwag kang tumangis.” Lumapit siya at hinipo ang kinalalagyan ng patay at tumigil naman ang mga may dala nito. Sinabi niya, “Binata, bumangon ka!” Naupo ito at nagsalita; at siya’y ibinigay ni Hesus sa kanyang ina. Sinidlan ng takot ang lahat at sila’y nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Dumating sa atin ang isang dakilang propeta! Nilingap ng Diyos ang kanyang bayan!” At kumalat sa buong Judea at sa palibot na lupain ang balitang ito tungkol sa kanya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-24 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Gumawa ng mga himala si Jesus upang ipakita ang kanyang banal na habag at kapangyarihan. Puno ng pagkamangha sa ganitong mga kahanga-hangang bagay, manalangin tayo sa Ama na nagsugo sa ating tagapagligtas.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng buhay, mahabag kayo sa amin.
Sa pamamagitan ng paggabay at tulong ng mga apostol ng Simbahan nawa’y maipakita ang pag-ibig at kalinga ng Diyos sa sambayanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang gobyerno nawa’y maging daan ng mahabaging pag-ibig ng Diyos sa katangi-tanging pagkalinga at pagtulong na kanilang ibinabahagi sa mga dukha at mga maysakit, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga nagdusa sa pagkawala ng kanilang mahal sa buhay nawa’y muling sumampalataya sa buhay sa tulong ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit, katulad ng anak ng balo, nawa’y makadama ng mapagpagaling na kamay ni Jesus, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y muling ibangon sa kaganapan ng buhay sa presensya ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, gabayan mo kami upang aming mahipo ang mga may pusong wasak at matulungan silang madama ang iyong Anak na dumito sa amin. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.