21,594 total views
Naging maayos ang “ecumenical engagement” sa pagitan ng Ministry of Ecumenical and Interfaith Affairs ng Archdiocese of Manila at North American Old Roman Catholic Church (N-A-O-C-C) sa Villa San Miguel, Mandaluyong city noong September 14, 2023.
Isinagawa ang peaceful dialogue sa pagitan ng Roman Catholic Church at NAOCC upang maayos ang hindi pagkakaunawaan at malinawan ang pagkakaiba ng dalawang religious institution bilang tugon na din sa tanong ng mga mananampalataya.
Nilinaw sa pag-uusap sa pagitan ng Archdiocese of Manila at N-A-O-R-C-C na ang “Roman Catholic Church” ay ang Simbahang Katolika na pinamumunuan ni Pope Francis, at iba sa halos kapangalan nitong denominasyon na “North American Old Roman Catholic Church Utrecht Succession.”
Inihayag ni Fr. Carlos Reyes ng Archdiocese of Manila Ministry of Ecumenical and Interfaith Affairs ang pagkakaiba ng Roman Catholic na sinusunod ang “priestly celibacy” habang niyayakap naman ng N-A-O-R-C-C ang “optional celibacy”.
Dagdag pa ni Fr. Reyes na ang mga Paring Katoliko ay bawal na makipag-concelebrate sa misa kasama ang mga pari ng ibang denominasyon.
Ito ang dahilan, ayon kay Fr. Reyes, kung bakit mayroong ipinapakitang dokumento ang mga pari ng Roman Catholic na tinatawag na “Celebrate” o ID mula sa kanyang Roman Catholic Bishop o religious order na nagpapatunay na ito ay katolikong pari.
Iginigiit din ang pagsunod sa protocol ng pagpapaalam sa parish office kapag mayroong iniimbitihang pari bago ito payagang makapagdaos ng banal na misa sa juriscition ng parokya upang matiyak na ang pari ay Roman Catholic na mayroong “faculty” o autorisasyon na makapagmisa mula sa Obispo o superior ng kanyang pinagmulang diocese o religious community.
Sa kabila ng mga pagkakaibang ito, nagpapatuloy ang mapayapang ecumenical engagement and dialogues upang isulong ang mapayapang relasyon ng dalawang relihiyon.