1,790 total views
Pinalawig ng Department of Labor and Employment ang pagsusulong ng adbokasiya na tiyakin na ligtas ang mga lugar ng paggawa sa Pilipinas.
Ito ay sa pangangasiwa ng kagawaran sa dalawang araw na Association of Southeast Asian Nation – Occupational Safety and Health Network (OSHNET) sa Quezon City na dinaluhan rin ng mga kinatawan ng mga bansang kabilang sa ASEAN Region.
Tiniyak ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na isusulong ang pagiging ligtas ng mga komunidad na kinabibilangan ng mga manggagawa at kompanya.
Kabilang na dito ang ‘Cyberspace’ dahil narin nagagamit ang social media at iba pang internet space bilang paraan ng komunikasyon at pagpapasa ng mahahalagang impormasyon at papeles sa loob ng isang kompanya.
“Tiyak na ang OSH ay isang patuloy na proseso ng pag-aaral, pagpapabuti, pag-asa, pag-aangkop, at pagbabago, umaasa kami na sa pamamagitan ng pagpupulong na ito, gayundin sa pamamagitan ng aming patuloy na pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa iba’t ibang aktibidad at programa sa ilalim ng ASEAN OSHNET.” ayon sa mensahe ni Laguesma na ipinadala ng DOLE sa Radio Veritas.
Iginawad sa Pilipinas ang pangangasiwa sa ASEAN-OSHNET kung saan kaagapay ang Singapore bilang ikalawang tagapangulo.
Taong 1976 ng itatag ng ASEAN Countries ang OSHNET upang mapaigting ang pagtutulungan sa pangangalaga sa kalusugan, kaligtasan at kapakanan ng mga manggagawa sa kani-kanilang bansa.
Patuloy naman ang pakikiisa ng sangay ng simbahan na katulad ng Church People Workers Solidarity at Manila Archdiocesan Ministry for Labor Concern sa pakikiisa sa mga manggagawa upang maisulong na ligtas ang mga manggagaw sa kanilang trabaho at iba pang uri ng lugar sa paggawa.