2,184 total views
Humigit-kumulang 700 mananampalataya ang nakiisa sa ginanap na Walk for Creation 2023 sa loob ng Christ the King Mission Seminary sa Quezon City.
Nilahukan ito ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang kongregasyon, institusyon, at kristiyanong denominasyon bilang simbolo ng sama-samang pagkilos sa iisang hangaring pangalagaan ang nag-iisang tahanan.
Kabilang sa mga nakibahagi sa pagtitipon si Lipa Archdiocesan Ministry on Environment Director, Franciscan Capuchin Fr. Mike Flores, at inihayag na ipinakita ng makahulugang gawain ang pagkakaisa ng iba’t ibang denominasyon upang manawagan ng pagtugon sa kinakaharap na krisis sa klima ng bansa at daigdig.
“Napakagandang pagpapakita ito ng pagkakaisa ng ecumenical community na ang lahat ng nagkatipon dito ay mayroong kamalayan at mayroon talagang masidhing pagnanais na makatugon dito sa mga challenges na kinakaharap natin ngayon lalo na we are in the climate emergency,” pahayag ni Fr. Flores sa panayam ng Radio Veritas.
Kasabay ng paglalakad at pananalangin ay itinampok din sa gawain ang pagninilay sa iba’t ibang usaping nangyayari sa kalikasan at lipunan na nangangailangan ng pagtugon.
Kabilang na rito ang patuloy na pang-aabuso ng mga tao sa likas na yaman, pagbabanta sa buhay ng mga tagapagtanggol ng kalikasan, mga mapaminsalang proyekto, at ang iba’t ibang polusyon sa kapaligiran.
Pagbabahagi naman ni Fr. Flores na ang pagtitipon ay paraan din ng paghingi ng biyaya mula sa Diyos na lumikha upang patuloy na gabayan sa tungkuling itaguyod at pangalagaan ang nag-iisang tahanan.
“So, itong pagdarasal ngayon ay isang paghingi rin talaga ng grasya sa Diyos. Kasi we cannot do this with ourselves even though we have this effort, but we rely talaga mainly on God’s grace,” saad ng pari.
Matapos naman ang paglalakad ay isinagawa ang ecumenical service sa Diocesan Shrine of Jesus the Divine Word sa pangunguna ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Ecumenical Affairs, katuwang ang Philippine Council of Evangelical Churches, at National Council of Churches in the Philippines.
Taong 2017 nang ilunsad ang Walk for Creation, na bahagi ng pagdiriwang ng simbahan sa Season of Creation, sa pangunguna ng Global Catholic Climate Movement-Pilipinas na ngayo’y kilala na bilang Laudato Si’ Movement Pilipinas.
Ngayong taon ang unang beses ng ecumenical celebration ng Season of Creation na layong ipalaganap ang sama-samang paglalakbay at pananalangin ng iba’t ibang pananampalataya at denominasyon, alinsunod sa ensiklikal ng Kanyang Kabanalan Francisco na Laudato Si’ para sa pangangalaga sa nag-iisang tahanan.
Tema ng Season of Creation 2023 ang Let Justice and Peace Flow na hango sa mga kataga ni Propeta Amos.