1,642 total views
Nagpahayag ng pagkabahala ang Ecumenical youth group na Student Christian Movement of the Philippines (SCMP) sa planong burahin sa kasaysayan ang mga kalupitan na naganap sa ilalim ng rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Ayon kay SCMP National Chairperson Kej Andres, nakababahala ang hakbang ng Department of Education (DepEd) na pagbabago sa terminong “Diktadurang Marcos” na gagawin na lamang “Diktadura” sa Araling Panlipunan curriculum ng mga mag-aaral sa Grade 6.
“Christian youth are deeply disturbed by this curriculum change proposal to distort the grim reality of the Marcos dictatorship,” Ang bahagi ng pahayag ni Andres.
Iginiit ni Andres na ang hakbang ng DepEd Bureau of Curriculum Development (BCD) ay isang tahasang pagbabago ng kasaysayan at insulto sa mga biktima ng karahasan at pang-aabuso sa karapatang pantao noong panahon ng Martial Law.
“DepEd is spitting on the graves of numerous martyrs and heroes who fought the dictatorship, including church people who have been inspired by faith seeking justice from the horrors of martial law,” Dagdag pa ni Andres.
Inihayag ng ecumenical youth group na isang hamon para sa lahat ang patuloy na pagsusulong ng katotohanan sa lipunan lalo na sa gitna ng tahasang tangka na linisin at burahin ang apelyido ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. mula sa terminong “Diktadurang Marcos” sa textbook ng mga mag-aaral mula sa ika-anim na baytang.
Ipinaliwanag ni Andres na hindi dapat ipagkait sa mga nakababatang henerasyon ang kanilang karapatan na lubos na maunawaan ang konteksto ng kasaysayan at epekto ng batas militar sa ating bansa.
“It is the duty of everyone–teachers, students, parents, and church people–to teach about the horrors of the Marcos dictatorship and to inspire the next generation to stand up against wannabe dictators especially under a Marcos-Duterte rule. The truth sets us free, and teaching that the Marcos dictatorship caused massive human rights violations and economic exploitation urges us to stand up and say never again to fascist dictatorship!” Ayon pa kay Andres.
Unang iginiit ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro na ang hakbang ng DepEd ay maituturing na paglabag sa Republic Act 10368 o Marcos Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013 na kumikilala sa mga biktima ng pang-aabuso sa karapatang pantao ng rehimeng Marcos.
Batay sa tala sa ilalim ng Martial Law, umaabot sa 3,000 ang sinasabing pinaslang dahil sa hindi pag-sangayon sa patakaran ng dating administrasyong Marcos kung saan tinatayang umaabot naman sa higit 75,000 indibidwal mula sa buong bansa ang lumapit sa Human Rights Claims Board na biktima ng iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Batas Militar at rehimeng Marcos.