1,950 total views
Nagpapasalamat ang Laudato Si’ Movement-Pilipinas sa lahat ng mga nakibahagi sa unang taon ng Ecumenical Walk for Creation 2023.
Ayon kay LSMP national coordinator, Columban Bro. John Din, kahanga-hanga ang pagsuporta ng bawat isa, anuman ang paniniwala at denominasyon, upang magkaisa sa pagmamalasakit sa nag-iisang tahanan.
Tinatayang humigit-kumulang 700 mananampalataya mula sa iba’t ibang grupo, kongregasyon, at denominasyon ang nakibahagi sa paglalakad para sa kalikasan na ginanap sa Christ the King Mission Seminary sa Quezon City nitong September 15.
“We were always surprised every year sa dami ng mga taong nagpakita ng suporta at dahil din siguro nakita nila na we need an event that brings us together so that we can walk together and respond together to climate emergency that we are facing,” pahayag ni Bro. Din sa panayam ng Radio Veritas.
Inihayag ni Bro. Din na ang Walk for Creation ay bahagi lamang ng pagdiriwang ng simbahan sa Season of Creation, kaya naman hinihikayat nito ang mga mananampalataya na patuloy na suportahan ang mga gawain ng iba’t ibang diyosesis at parokya sa buong buwan ng Setyembre hanggang ikalawang linggo ng Oktubre.
Alinsunod na rin ito sa panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco sa ensiklikal na Laudato Si’ na pangalagaan ang nag-iisang tahanan, at patuloy na gampanan ang tungkulin ng bawat isa bilang mabubuting katiwala ng sangnilikha ng Diyos.
Samantala, hinamon naman ng Columban Lay Missionary ang mga opisyal ng pamahalaan na higit pang ipakita ang pagmamalasakit sa kalikasan hindi lamang sa paglikha ng mga batas, kun’di sa pagiging lingkod-bayan na tunay na isinasabuhay at isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga likas na yaman at bawat mamamayan.
“We go with the affected communities and we have to be in solidarity with them, and at the same time, calling our government leaders. They are the duty bearers and care for our common home goes beyond just implementing the laws. It’s also about our values of protecting the earth since we are part of it,” ayon kay Bro. Din.
Unang inilunsad ang Walk for Creation noong 2017 upang pagbuklurin ang mga mananampalataya na ipahayag sa pamamagitan ng paglalakad ang pagbibigay-pansin sa mga suliraning kinakaharap ng kalikasan at lipunan.