2,038 total views
Pinalalakas ng Apostolic Vicariate of Taytay Palawan ang katesismo bilang pagpapatibay sa biyaya ng pananampalatayang tinanggap ng mga Pilipino.
Ito ang pahayag ni Bishop Broderick Pabillo sa pagdiriwang ng Catechist Day tuwing ikatlong Linggo ng Setyembre.
Ayon sa obispo binibigyang pahalaga ng bikaryato ang pagtuturo ng katesismo sapagkat ito ang pangunahing maghuhubog sa pananampalataya lalo na sa mga kabataan.
“Sa ating Bikaryato ang catechesis ay isang pangunahing programa natin. Kaya nagte-train tayo ng mga katekista. Kaya hinihikayat natin na magkaroon ng pagtuturo ng pananampalataya sa bawat chapel natin linggo-linggo,” pahayag ni Bishop Pabillo.
Umaasa rin ang obispo na mapahintulutang makapagturo ng katekesis sa mga pampublikong paaralan sa mga nasasakupang komunidad ng bikaryato sa Northern Palawan sa susunod na taon upang higit mapaigting ang pananampalataya sa pamayanan.
Kinilala ni Bishop Pabillo ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga katekista sa lipunan dahil ito ang naghahanda sa mga kabataan sa pagtanggap ng mga sakramento tulad ng First Confession at First Communion gayundin ang kumpil.
“Mahalaga po ang papel ng mga katekista…Ginagabayan nila ang mga kabataan na mahalin ang Diyos at magdasal palagi. Kung kilala ng mga kabataan ang Diyos, madaling mahubog ang kaugalian nila tungo sa kabutihan,” ani Bishop Pabillo.
Kamakailan ay isinagawa ng bikaryato sa pangunguna ni Bishop Pabillo ang kauna-unahang Catechetical Congress na nilahukan ng mga mananampalataya ng bawat parokya.
Tema ng National Catechetical Month ngayong taon ang ‘Revitalizing the gifts of being, becoming, and belonging to the Ministry of Catechists’ kung saan binibigyang pagkilala ang mga katekistang katuwang ng simbahan sa pagpapalaganap ng turo ng simbahan sa mga paaralan at pamayanan.
Ito rin ay paggunita kay San Lorenzo Ruiz ang pintakasi ng mga katekista at unang Pilipinong santo na pinaslang dahil sa paninindigan at pagbabahagi ng pananampalataya.
Sa pagsusuri ng National Catechetical Studies katuwang ng Catholic Bishops Conference of the Philippines nasa pagitan ng 40 hanggang 50 libo lamang ang mga katekista sa bansa na may mahigit sa 80 milyong populasyon ng mga katoliko.