1,852 total views
24th Sunday of Ordinary Time Cycle C Catechists’ Day
Sir 27, 30-28:7 Rom 14:7-9 Mt 18:21-35
Sa ating pagdarasal ng Ama Namin, ang panalanging itinuro ni Jesus na dasalin natin, may isang bahagi na mahirap tanggapin ng ilan. Iyon ay ang dasal natin na: PATAWARIN MO KAMI SA AMING MGA KASALANAN TULAD NG PAGPAPATAWAD NAMIN SA NAGKAKASALA SA AMIN. Mahirap itong matanggap kasi sinasabi natin sa Diyos na ang pagpapatawad na hinihingi natin sa kanya ay nakadepende sa pagpapatawad na ibinibigay natin sa iba. Parang bang sinasabi natin na huwag mo kaming patawarin kung hindi kami nagpapatawad. Hindi naman talaga bago ang kahilingang ito, kasi sa Lupang Tipan pa ay may ganito nang kaisipan. Kaya narinig natin sa ating unang pagbasa: “Ang nagtanim ng galit laban sa kapwa, pag tumawag sa Panginoon, walang kakamtang awa. Kung hindi ka nahabag sa iyong kapwa, paano mong ihihingi ng tawad ang iyong kasalanan?” Kaya totoo na ang kapatawaran na ating matatanggap ay may kaugnayan sa kapatawaran na ating ibinibigay.
Binigyan ni Jesus ng diin ang kaugnayan ng kapatawaran na ibinibigay natin sa kapatawaran na matatanggap natin. Kapag ang isang tao ay nagkakasala, ano ang dapat nating gawin? Noong nakaraang Linggo sinabi ni Jesus na kailangan siyang ituwid. Pagsabihan siya para siya ay magbago. Ngayon, nakita nga niya ang kanyang pagkakamali at nagsisisi siya, ano ang dapat nating gawin? Siyempre patawarin siya. Pero kung paulit-ulit naman siyang nagkakamali at paulit-ulit ding humingi ng tawad, ilang beses natin siya patatawarin? Akala ni Pedro generous na siya noong sinabi niya na patatawarin ng pitong beses. Pero hindi pa pala. Ang sabi ni Jesus ay: hindi ko sinasabing makapitong beses kundi pitumpong uli pa dito. Sa pananalita noon, ang ibig sabihin ni Jesus ay huwag kang titigil sa pagpapatawad. At bakit? Dahil sa ang pagpapatawad na ibinigay natin ay walang-wala, ay kakaunting-kaunti, kung ihahambing sa pagpapatawad na tinatanggap natin mula sa Diyos. Ihinantulad ito ni Jesus sa isang tao na pinatawad ng sampung milyong piso na hindi nakapagpatawad ng limang daang piso. Imagine, ten million na ang pinatawad sa iyo at hindi ka pa makapagpatawad ng 500 pesos? Ang pagmamakaawa niya sa hari ay tulad din ng pagmamakaawa sa kanya ng kanyang kapwa alipin: “Bigyan po ninyo ako ng panahon, at babayaran ko sa inyo ang lahat.” Kung titingnan natin hindi naman siya sincere sa kanyang pagmamakaawa. Paano niya mababayaran ang 10 million pesos? Napakalaking halaga iyan! Pero ang humihingi ng panahon na babayaran ang 500 ay mas sincere. Kaya naman bayaran ang 500 pesos. Pero hindi! Sinakal pa niya ito at ipinatapon sa bilangguan. Bakit siya ganyan? Wala siyang habag. Galit siya. Dapat magaan na ang loob niya kasi pinatawad na siya ng 10 million. Iba ang hari. Noong nagmakaawa siya, kinaawaan siya kaya kahit na napakalaki ng utang niya, pinatawad siya. May habag ang hari sa kanya. Siya’y walang awa. Kaya, siyang ayaw magpatawad ay hindi na rin pinatawad ng hari. Pinagbili ang lahat ng ari-arian niya at pinakulong siya hanggang mabayaran niya ang lahat. Hindi siya nakakaalis sa kulungan sa ganyang kalaking utang!
Kaya napakahalaga po ang magpatawad sa kapwa. Madalas lumalabas ang ganitong dahilan. Napakabigat ng kanyang ginawa na hindi ko malilimutan. Talagang nasaktan ako. Paano ko siya mapapatawad? Ang ating pagpapatawad ay hindi nagdedepende kung malilimot natin ang ginawa sa atin o hindi. Wala tayong control sa mga bagay na malilimot natin. Kung talagang nasaktan tayo, mahapdi ang ating damdamin. Mahirap itong makalimutan. Pero iba ang pagpapatawad. Ito ay nadidisisyunan. Magdisisyon tayo na magpatawad. Patatawarin ko siya kahit masakit pa sa dibdib ko ang kanyang ginawa sa akin. Ang ibig sabihin nito ay hindi ako maghihiganti. Hindi ako gagawa ng masama sa kanya. Hindi ko siya ipapahamak. Hindi ko siya ichichismis.
Pangalawa, ipagdarasal ko siya. Sinabi ni Jesus na ipagdasal natin ang umuusig o gumagawa ng masama sa atin. At ito ay ginawa ni Jesus mismo. Noong siya ay nakabitin sa krus ang dasal niya sa Diyos Ama ay: “Ama patawarin mo sila. Hindi nila alam ang kanilang ginagawa.” Siya pa ang nagpa-excuse sa kanila. Parang sinabi niya: Hindi naman sila masama. Ignorante lang sila. Kung alam lang nila kung ano talaga ang ginagawa nila – na pinapatay ang pinadala ng Diyos – hindi nila ito gagawin. Patawarin mo sila. Sa halip na mag-isip ng masasama sa gumawa ng masama sa atin, mag-isip ng mga dahilan na hindi magpasama sa kanila.
Kaya ano ang ating gagawin sa pagpapatawad? Una, huwag maghiganti. Pangalawa, ipagdasal ang kanilang kabutihan. At ang pangatlo, gumawa ng kabutihan sa kanila kung may pagkakataon. Maaaring ngitian sila, kausapin sila, ipakita na handa kang makipagtulungan sa kanila. Magagawa natin ang mga ito kung handa tayong lunukin ang ating pride. Madalas iyan naman talaga ang nagpapahirap na magpatawad – ang ating pride, ang ating kayabangan.
Akala natin nagagawan natin ng masama ang kaaway kaya nakakapaghiganti tayo kung patuloy tayong nagagalit. Kapag tayo ay galit, ang ating sarili ang ginagawan natin ng masama. Ang ating dibdib ang mabigat. Ang ating paningin ang nandidilim. May mga pag-aaral pa na nagsasabi na nakakadevelop ng tumor sa ating katawan ang galit. Iyan ay ang mga nabubuo na negative energies dahil sa galit natin. At ang tanging gamot lang sa galit ay ang pagpapatawad. Kaya tayo mismo ang nakikinabang kapag nagpapatawad tayo. Pinapalaya natin ang ating sarili sa sama ng loob kapag tayo ay nagpapatawad.
May isa pang payo si Sirak sa ating unang pagbasa: “Alalahanin mo ang iyong wakas at pawiin mo ang iyong galit. Isipin mo ang kamatayan at sundin mo ang kautusan.” Ang anumang kasamaan na ginawa sa atin ay wala nang kabuluhan na panghawakan sa harap ng kamatayan. Ano pa ang magagawa ng galit mo kapag patay ka na? Ito pa ang magdadala sa iyong ng dagdag parusa. Pakawalan mo na ang iyong galit. Balewala na iyan sa harap ng Diyos.
Ang ikatlong Linggo ng September taon-taon ay Catechists’ Day. Inaalaala natin ang mga katekista. Sa ating Bikaryato ang catechesis ay isang pangunahang programa natin. Kaya nagtre-train tayo ng mga katekista. Kaya hinihikayat natin na magkaroon ng pagtuturo ng pananampalataya sa bawat chapel natin linggo-linggo, at nawa, sa school year na ito, payagan na ang mga katekista natin na makapagturo sa mga eskwelahan natin. Mahalaga po ang papel ng mga katekista. Sila ang naghahanda sa mga kabataan natin na tumanggap ng First Communion, ng First Confession at ng kumpil. Ginagabayan nila ang mga kabataan na mahalin ang Diyos at magdasal palagi. Kung kilala ng mga kabataan ang Diyos, madaling mahubog ang kaugalian nila tungo sa kabutihan. Ipagdasal at suportahan po natin ang ating mga katekista. Kaya magkakaroon tayo ng second collection para sa ating catechetical program sa bikaryato. Maging handa din tayo na maging katekista kung tinatawag tayo ng Diyos sa magandang gawaing ito.