3,475 total views
Ito ang bahagi ng mensahe ni Rev. Fr. Anton CT Pascual – Pangulo ng Radio Veritas at Executive Director ng Caritas Manila kaugnay sa ika-51 anibersaryo ng Martial Law Declaration ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Ayon sa Pari, bukod sa pananalangin na hindi na muling maulit pa ang madalim na bahagi ng kasaysayan ng bansa ay mahalaga ding patuloy na pagsumikapan ng bawat isa na isulong ang tuwinang pagkakaroon ng kapayapaan sa lipunan.
“Ating dapat ipagdasal nawa’y huwag nang maulit ito sa ating bansa, pangalawa matuto tayo sa mga pagkakamali ng Martial Law sapagkat kung nais natin ng kapayapaan sa bansa natin at kaayusan, ang susi ay kapayapaan din.” Ang bahagi ng pahayag ni Fr. Pascual sa Radyo Veritas.
Ipinaliwanag ng Pari na mahalaga ang pagiging mapagbantay ng bawat mamamayan sa paraan ng pamamahala ng mga opisyal ng bayan upang matiyak ang paghahari ng kapayapaan at kaayusan ng bansa.
Pagbabahagi ni Fr. Pascual, naaangkop lamang na purihin at suportahan ang mga opisyal na mabubuti ang nagagawa sa lipunan at batikusin kung taliwas ang kanilang mga hakbang para sa kapakanan ng sambayanan.
“Internal vigilance is the price of democracy, bantayan po natin ang mga namumuno maging kritikal tayo, kapag maganda ang ginagawa suportahan natin, kapag taliwas sa tamang asal batikusin natin. Mahalaga po ang vigilance upang maghari ang kapayapaan at kaayusan sa ating bansa, ipagdasal natin ang bansang Pilipinas maraming krisis ngunit sa tulong ng Diyos at pagtutulungan natin bilang isang bayan, atin pong mapagtatagumpayan ang lahat ng krisis.” Dagdag pa ni Fr. Pascual.
Taong 1972 nang magdeklara ng Martial Law o Proclamation 1081 ang rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at September 23, 1972 ng malaman ng mamamayang Pilipino na nagsimula na ang Martial Law o ang Batas Militar.
Nagwakas ang rehimeng Marcos at Martial Law na tumagal ng 14 na taon sa pamamagitan ng mapayapang EDSA People Power Revolution noong taong 1986 sa pangunguna ng mga Pari, Madre at ilang indibidwal alinsunod na rin sa naging panawagan ng noo’y Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin sa himpilan ng Radyo Veritas.