3,256 total views
Pinaalalahanan ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang bawat mananampalataya sa mga nararapat gawin upang maiwasan ang demonic possession.
Ayon sa Obispo, sa pamamagitan ng CARES o Confession, Adoration, Rosary, Eucharist, at Sacramentals ay mapapanatili ng tao ang presensya ni Hesus sa sarili na mabisang kalasag laban sa masasamang espiritu.
Ipinaliwanag ng Obispo na sa sakramento ng pagbabalik loob o kumpisal ay mapagkumbabang inihahayag ng tao ang pagbabalik loob sa Diyos at pagsisi sa mga nagawang kasalanan.
Binigyang diin ni Bishop Uy na mahalaga rin ang pagsamba sa Diyos at pagtanggap ng eukaristiya na magbibigay ng kalakasan at mananahan sa tao.
Inihayag ng punong pastol ng Tagbilaran na dapat makaugalian din ng tao ang pagdarasal ng santo rosaryo sapagkat ito ay isang paraan ng pagsunod sa daang tinatahak ni Kristo, pagnilayan ang kanyang buhay sa tulong at gabay ng Mahal na Birheng Maria.
Gayundin ang pagtataglay ng sacramentals sa bawat tahanan tulad ng crucifix, medal ng Birheng Maria, rosaryo, holy water, blessed salt at iba pa.
Kamakailan ay mahigit sa 200 estudyante sa San Jose National High School sa Talibon Bohol ang hinimatay habang nagdiwang ng Banal na Misa na sinasabi ng medical experts na kaso ng mass hysteria dahil sa mainit na panahon.
Inihayag ni exorcist priest Fr. Jose Francisco Syquia, head ng Commission on Extraordinary Phenomena ng Archdiocese of Manila na maraming sanhi ang pagkakaroon ng demonic possession sa mga eskwelahan tulad ng occult, malakas na pyschic energy mula pagkabata at kawalang katapatan sa Panginoon.
Mungkahi ng pari na palakasin ang espiritwalidad ng mga kabataan sa pamamagitan ng panalangin upang maiwasan ang demonic possession.