7,982 total views
Nananawagan ang Lipa Archdiocesan Social Action Commission (LASAC) para sa donasyon ng N95 face mask para sa mamamayang apektado ng malawakang volcanic fog o vog na ibinubuga ng bulkang Taal.
Ayon sa LASAC, higit na kinakailangan ang N95 facemask sa lalawigan ng Batangas bilang proteksyong pangkalusugan lalo na para sa mga residenteng malapit sa bulkan dahil sa inilalabas nito na sulfur dioxide o asupre.
Samantala, tiniyak naman ang LASAC ang kahandaan nitong tumugon sa mga posibleng mangyari sa lalawigan gayundin sa pagtugon sa anumang anunsyo ng mga lokal na pamahalaan kaugnay sa patuloy na pagbabantay sa aktibidad ng bulkang Taal.
Para sa mga nais tumulong sa pamamagitan ng in-kind donations, maaaring dalhin ang mga donasyong N95 Facemask sa LAFORCE Building, St. Francis de Sales Major Seminary Compound, Marawoy, Lipa City, Batangas o kaya naman ay makipag-ugnayan sa numero bilang 0968-891-5708.
Batay sa inilabas na abiso ng Department of Health (DOH), kinakailangan na mag-ingat ng lahat mula sa asupreng nagmumula sa Bulkang Taal na makasasama sa kalusugan ng taong makakalanghap nito na maaring magdulot ng pangangati ng ilong o lalamunan, ubo, bronchitis, pamumula ng mata, hirap sa paghinga, at mga problema sa balat.