18,764 total views
Nanindigan ang isang opisyal ng simbahan sa pagtutol sa pagkakaroon ng diborsyo sa Pilipinas.
Ayon kay Novaliches Bishop-emeritus Teodoro Bacani Jr.- higit dapat ipagmalaki ng bansa na kabilang ang Pilipinas sa dalawang bansa na hindi pinapairal ang divorce.
Iginiit ng obispo, mas malaking pinsala sa pamilyang Filipino ang dulot ng paghihiwalay ng mga mag-asawa sa halip na benepisyong matatamo mula sa diborsyo.
“The harm done by divorce to the family is greater than the benefit for the family because of divorce,” giit ni Bishop Bacani sa panayam ng Radyo Veritas.
Ang pahayag ng obispo ay makaraang aprubahan ng Senate Committee on women, children, family relations, and gender equality ang ang Senate Bill 2443 o ang absolute divorce bill.
Binigyan diin ng komite na bagama’t kinilala ng estado ang kasagraduhan ng pamilya, tungkulin din ng pamahalaan na pangalagaan ang dignidad ng tao na ginagarantiyahan ang paggalang sa karapatang pantao, pagkakapantay-pantay sa harap ng batas at pangangalaga sa mga kabataan.
Ipinaliwanag ni Bishop Bacani na hindi na kinakailangan pa ang pagkakaroon ng diborsyo-o mas pinadaling paghihiwalay ng mga mag-asawa dahil sa hindi pagkakasundo lalo’t mayroon ng umiiral na legal separation at nullity of marriage sa Pilipinas
“Yun ang dapat na hanapin lagi ng estado kanya ang dapat ang tatanungin natin ano ba ang para sa common good sa ikabubuti ng nakararami. At tingnan natin kung tayo ay gagamit ng mga facts, yung sabi nga ay mangatwiran ka e makikita naman natin na ang harm na ginagawa ng diborsyo mas malaki kaysa sa benepisyo na natatamo mula dito,” ayon pa kay Bishop Bacani.
Sinabi pa ng obispo na dapat ay makita ng mga mambabatas ang mga pag-aaral at resulta ng pagkakaroon ng magkahiwalay na magulang at ang epekto ng paghihiwalay sa kanilang mga anak.