8,805 total views
Homiliya para sa Huwebes sa Ika-24 na Linggo ng Karaniwang Panahon, Kapistahan ni San Mateo, ika-21 ng Setyembre, 2023, Mt 9:9–1
“Birds of the same feathers flock together.” Ang mga ibon daw na magkakulay ang pakpak at balahibo ay nagkukumpol. Ganito ang simpleng paliwanag ng mga taong judgmental o mapanghusga sa kapwa. Nakikilala daw ang tao sa mga tipo ng tao na kanyang pinakikisamahan.
Kaya pala ang Salmo Uno, ang pinakauna sa 150ng Salmo sa Bibliya ay may sinasabing ganito: “Mapalad ang taong hindi nakikihalubilo sa mga makasalanan…”
Totoo naman, di ba, lalo na sa mga magulang na mag-worry tungkol sa mga nakaka-barkada ng mga anak nila. Sa mas modernong Tagalog, KATROPA. Siyempre, sino bang magulang ang gustong mapalapit ang mga anak nila sa mga “bad influence”? Sigurado ako, kahit sina Mama Mary at St. Joseph, pinagsabihan din si Jesus na lumayo o umiwas sa mga “bad influence” noong bata pa lang siya.
Pero kung may “bad influence”, meron ding “good influence,” di ba? Minsan, ang mga batang dating pasaway ay pwedeng magbago ang ugali dahil pinalad na magkaroon ng kaibigan na good influence. Totoo naman na malaking factor ang environment sa formation ng karakter ng isang tao, di ba?
Itong pagbasa natin, ito daw ang bumago sa attitude ni Jorge Mario Bergoglio noong kabataan pa siya. Ang ginamit niyang motto at isinulat niya a kanyang coat of arms bilang obispo ay galing sa isang homily ni San Beda tungkol sa conversion ni San Mateo: MISERANDO ATQUE ELIGENDO. Marami nang mga painters ang nagpinta ng eksena ng “call at conversion” ni Mateo na kumuha ng inspirasyon sa Gospel reading natin ngayon; sa isang Interpretation ng pintor kitang-kita sa expression ng mukha ni Mateo ang pagkagulat nang imbitahan siya ni Hesus na samahan siya sa isang handaan. Nakaturo sa sarili, nakanganga at nakataas ang mga kilay na para bang nagsasabing, “Ako?” At lalong nabigla nang sabihan siya, “Oo, ikaw.”
Kaya ganyan din ang reaksyon ng mga nakakita, lalo na ng mga Pariseo. Masama kasi talaga ang reputasyon ng mga tax-collector na naniningil ng buwis para sa gubyerno ng mga Romans. Ano ba ang itatawag nila sa mga taong gumagawa ng masama? Edi “masamang tao?” Dito kakaiba si Hesus ng Nazareth. Walang masamang tao para sa kanya, gaano man kasama ang pwedeng magawa nito.
Mukhang kung merong hindi natutunan si Hesus sa kanyang mga magulang, ito ay ang “mangahon ng kapwa tao.” Magandang expression ito para sa ugaling mapanghusga: para bang ikinahon mo na ang buong pagkatao ng tao batay sa anumang masama na nagawa niya.
Natatawa ako sa English translation ng MISERANDO: “seeing him with the eyes of mercy…” Tiningnan daw si Mateo mula sa mata ng awa, habang siya naman ay tiningnan mula sa mata ng panghuhusga o pangangahon.
Mas maganda ang Tagalog dito. Ang Tagalog ng Mercy at Understanding ay magkaugnay kaagad: AWA at UNAWA. Mas naiiintindihan natin ang kapwa tao, kapag sa pagtingin natin sa kanila, hindi panghuhusga kundi awa ang inuuna. Kaya pala MAPAG-UNAWA ang tawag natin sa mga taong marunong umintindi sa kalagayan ng kapwa.
Minsan, para tayong baliw na nagsusuot pa rin ng shades o sunglasses kahit gabi na. Tapos magtataka ka kung bakit madilim ang nakikita mo? Alisin ang salamin para makita talaga ang tunay na anyo ng tinitingnan.
Sa mata ng mga Pariseo, ang nakita kay Mateo ay masamang tao. Sa mata ni Hesus, ang nakita niya ay isang potensyal na Santo. Hindi lang siya nasama sa 12 apostol; nasama rin siya sa apat na ebanghelista. Mga katropa ng Anak ng Diyos.