337 total views
Mga Kapanalig, mababasa natin sa Mga Kawikaan 14:15: “Pinaniniwalaan ng mangmang ang lahat niyang mapakinggan, ngunit sinisiyasat ng may unawa ang kanyang pupuntahan.”
Ang kasalukuyang henerasyon ng mga Pilipino, ayon sa ilang obserbasyon, ay kulang na kulang daw sa kritikal na pag-iisip o critical thinking. Mahina sila sa pagpoproseso ng impormasyon, sa pag-unawa sa kanilang nababasa, at sa pagiging malikhain. At sanga-sanga ang mga sanhi kung bakit ganito ang kanilang kakayahang mag-isip—mula sa kalidad ng edukasyong kanilang natatanggap hanggang sa pamilya at pamayanang kanilang kinalakihan. Gaya nga ng bersong binasa natin kanina, tila tinatanggap at pinaniniwalaan na lang nila ang lahat ng kanilang napakikinggan. Sasang-ayon sila kahit mali ang mga ito, at susunod na lang sa kung ano ang idinidikta sa kanila.
Ito ang problemang ipinaalala ni Albay 1st District Representative Edcel Lagman sa National Youth Commission (o NYC) noong tinalakay kamakailan ang badyet ng komisyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso. Sinabi kasi ng NYC na kasama sa mga tutustusan ng 165 milyong pisong panukalang badyet nito ang pagsasanay sa 400,000 youth leaders sa buong bansa. Lilinangin sa mga training na ito ang kakayahan sa pamamahala ng mga mananalo sa Sangguniang Kabataan. Sumang-ayon din ang NYC sa mungkahing sumailalim din sa isang “moral program” ang mga lider-kabataan kung saan palalalimin ang kanilang pag-ibig sa Diyos at sa bayan.
Ngunit para kay Congressman Lagman, dapat ding palakasin ang kakayahan ng mga SK chair at SK kagawad sa critical thinking. Hindi raw sila dapat oo lang nang oo sa mga sinasabi sa kanila. Kung kritikal silang mag-isip, mapangungunahan nila ang mga pagkilos na may kinalaman sa mga isyung nakaaapekto sa kanila at sa buong bansa.
Ang kritikal na pag-iisip ay hindi tumutukoy sa paglaban sa awtoridad o sa pagpapabagsak sa gobyerno. Ito kasi ang naging mababaw at maling pakahulugan ng marami sa salitang “kritikal”, na marahil ay dahil na rin sa kakulangan natin sa critical thinking. Ang mga critical thinkers ay may kakayahang tukuyin ang kanilang mga pinaniniwalaan at mga pagkiling o biases. Kaya rin nilang suriin ang mga naririnig at ibinabahagi nilang pangangatwiran, timbangin ang mga inihahain sa kanilang ebidensya, at bumuo ng mga tamang konklusyon. Sa ganitong paraan, nakararating sila sa mas akmang solusyon sa mga problema.
Kapag hinahayaan nating maging mangmang ang ating mga sarili, hindi natin kayang maging “critical conscience” ng lipunan, gaya ng minsang ipinanawagan ni Pope Francis sa mga kabataan. Madali sa ating maging sunud-sunuran, lalo na sa mga taong mas nakatataas o makapangyarihan sa atin. Ikinukulong tayo nito sa takot. Sa halip na mag-isip, sasang-ayon na lang tayo. Baka kasi may balik sa atin ang pagtutol—baka may kaparusahan o baka hindi tayo makatanggap ng ayuda. Ang mga sumasang-ayon ay nabibigyan pa ng pabor—lalo na ang mayayaman at maimpluwensyang sunud-sunuran sa nagdidikta. Ang hindi pagiging kritikal ay sinasabing magbubunga ng kapayapaan—walang nagrereklamo sa mga nangyayari, walang lumalaban sa mali, walang umaalma sa kahirapan.
Ang kawalan ng kritikal na pag-iisip ng mga mamamayan ang sinasamantala ng mga diktador. Ito ang nangyari sa ating bayan mahigit limampung taon na ang nakalilipas. Isinailalim noon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr ang Pilipinas sa martial law dahil daw sa mga lumalaban sa gobyerno. Pero iyon ang naging daan ng diktador upang kumapit sa kapangyarihan nang napakatagal, waldasin ang kaban ng bayan, at payamanin ang kanyang pamilya at mga kaibigan.
Mga Kapanalig, bukas ay anibersaryo ng araw kung kailan idineklara ang batas militar sa Pilipinas. Huwag sana tayong makalilimot, kahit pa bumalik na sa kapangyarihan ang mga nasa likod at nakinabang sa madilim na yugtong ito sa ating kasaysayan. Huwag sana tayong matakot na maging kritikal.
Sumainyo ang katotohanan.