1,501 total views
Isa sa mga pinakamahirap na sektor sa ating bayan ay ang mga mangingisda, partikular na ang mga maliliit o artisanal fishers ng ating bayan. Tinatayang nasa 30.6% ang poverty incidence sa kanilang hanay. Pinaka-mataas ito sa ating bayan.
Talagang hikahos sa kanilang hanay, kapanalig, lalo’t palakas ng palakas ang epekto ng pagbabago ng klima, sabay pa nito ang patuloy na panggigipit sa kanila ng mga dayuhang bansa, pati na mga mga malalaking mangingisda na pumapasok kahit pa nga sa mga municipal waters, o yaong mga laot na 15 kilometro lamang ang layo sa ating mga baybayin.
Kailangan ng tulong ng ating mga maliliit na mangingisda, kapanalig. Karaniwan na nating naririnig na marami sa kanila, nangangarap na magkaroon ng sarili nilang bangka. Karaniwan na nating naririnig na marami sa kanila, nais ng konting ayuda o assistance, lalo na sa mga panahong mahina o walang huli. Karaniwan nating naririnig sa kanila, depensahan naman sila sa mga dayuhang gumigipit sa kanila sa laot. Maaaring magbigay ang private at public sector ng ganitong tulong, kapanalig, pero hindi ito sasapat. Panahon na upang maging mas makabuluhan at sustainable naman ang tulong na ating ibibigay.
Ang livelihood diversification ay isa sa mga mas useful at sustainable na paraan upang matulungan natin ang ating mga mangingisda. Ito ay isang paraan upang magkaroon ng karagdagan at alternative incomes ang mga artisanal fishermen natin. Kapag tagumpay natin itong nailatag sa mga magsasaka ng bayan, ang kanilang source of income ay hindi na lamang manggagaling sa pangingisda lamang, may iba pa silang kabuhayan na maaari nilang gawing sabay o halinhinan sa pangingisda.
Isang halimbawa, kapanalig, ay pagtataguyod ng mga kooperatiba sa hanay ng mga mangingisda upang mula sa samahan na ito ay umusbong ang mga maliliit na negosyo na kaugnay din sa pangingisda, gaya ng halimbawa, food processing – ang mga isdang nahuli pwedeng gawing gourmet sardines or fish in a can or bottle. Maaari rin paggawa o pagkukumpuni ng banca. Kung malapit sila sa mga tourist areas, marami ring mga maliit na kabuhayan na maaaring itaguyod sa hanay ng mga mangingisda.
Ang ganitong uri ng assistance ay ginagawa na sa ilang mga lugar sa ating bayan, at mas maganda sana kung mas lalawig pa at mas marami pa sa ating mga mangingisda ang makikinabang. Ang paglaban sa kahirapan, kapanalig, ay ating mapapagtagumpayan kung ating bibigyan ng oportunidad at kaalaman ang mga pinakamahirap sa ating lipunan, gaya ng mga maliliit na mangingisda. Sa pamamagitan nito, ating naisasabuhay ang ating kristyanong obligasyon na ibahagi ang mabuting balita ng Panginoon – na andito siya, kasama natin, at sabay nating itinataguyod ang panlipunang katarungan. Sabi nga sa Economic Justice for All mula sa mga US Catholic Bishops, ating pinalalakas ang ating Simbahan sa tuwing ating tinutulungan ang mga pinakabulnerable at mahirap sa ating hanay.
Sumainyo ang Katotohanan.