1,460 total views
Kapanalig, kada taon, mula sa unang araw ng Setyembre hanggang sa ika-apat na araw ng Oktubre, na kapistahan ni St. Francis of Assisi, ipinagdiriwang ng Simbahan ang “Season of Creation.” Marahil marami sa inyo ang hindi nakaka-alam nito, at mas kilala pa ang Ghost Month.
Ang Season of Creation ay panahon upang ating mabago at mapalakas ang ating relasyon sa ating tagapaglikha at sa lahat ng kanyang nilikha. Hindi lamang tayo dapat nagdiriwang sa panahon na ito, dapat tayo ay nagbabago, nanagot at nangangakong magiging tapat sa lahat ng nilika at sa ating tagapaglikha. Renewal and commitment, kapanalig, ang hamon sa atin ng panahong ito. Nangangako tayong mangalaga sa ating nag-iisang tahanan, ang ating daigdig.
Ngayong taon ang tema ng Season of Creation ay “Let Justice & Peace Flow,” hango mula sa (Amos 5:24), kung saan nasambit ang “Let justice roll on like a river, righteousness like a never-failing stream!” Sentro ng tema na ito ang climate justice.
Kapanalig, sa usapang climate change at mga disasters, kadalasan nating sinisi ang kalikasan at ang bagsik nito kapag may sakunang nangyayari. Madalas, hindi natin naiisip na malaki ang bahagi ng tao sa mga sanhi at epekto ng sakunang ito. Walang tunay na climate justice kung hindi natin kikilalanin ang napakalaking responsibilidad natin sa ating nag-iisang tahanan, at kung hindi natin pananagutan ang lahat ng ating pagkukulang dito. Hindi natin maabot ang climate justice kung hindi natin kikilalanin na marami sa sakuna sa ating paligid ay man-made o gawa ng tao.
Ayon nga sa Amnesty International, milyong milyong mga tao na sa buong mundo ang apektado ng mga delubyong dala ng climate change gaya ng mga super typhoons at mahabang tagtuyot, pati na ng napakatinding taglamig. Ang mundo natin ay hindi na ligtas para sa maraming mga tao, lalo na para sa mga pinakabulnerable at pinakamahirap na bansa. Kasama dito, kapanalig ang Pilipinas.
Kapanalig, we all deserve equal protection. Ngunit dahil tayo ay maliit na bansa, at maliit ang boses sa pandaigdigang pulitika, tayo at ang mga bansang tulad natin ay hindi naririnig. Habang mas yumayaman ang mga well developed countries at mas malakas ang kanilang pag-gamit ng enerhiya at pagbuga ng mga greenhouse emissions na nagpapainit naman ng mundo, ang mga bansang gaya ng Pilipinas ay mas nakakaranas ng mas malaking epekto ng mga gawain na ito.Walang climate justice kung hindi mababago ito. Walang climate justice kung hindi natin pananagutin ang mga pangunahing rason ng pagbabago ng klima.
Si Pope Francis, kanyang mensahe sa noong Setyembre 2015 para sa Foundation for Sustainable Development, ay may angkop na aral ukol sa usaping ito: We must not forget the grave social consequences of climate change. It is the poorest who suffer the worst consequences. Therefore … the issue of climate change is a matter of justice; it is also a question of solidarity, that must never be separated from justice.”
Sumainyo ang Katotohanan.