4,804 total views
Patuloy na sinisikap ng Diyosesis of Cubao ang pagpapatibay sa pamilya ng mga Filipino migrants at seafarers.
Ito ang tiniyak ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco sa paggunita ng simbahan sa huling linggo ng Setyembre bilang National Refugees, Migrants and Seafarers Sunday.
Ayon sa Obispo, handa ang simbahan higit ang kanyang pinamumunuang Diyoses na kalingain ang mga refugees at naiwang pamilya ng mga Filipino migrants at seafarers.
Bilang pagkilala, idinaos ng Diocese of Cubao ang 2nd Migrants Family Summit kung saan tinipon ang pamilya ng mga Overseas Filipino Worker upang pasalamatan at mapalalim ang kaalaman hinggil sa kalagayan ng mahal sa buhay na nasa ibayong dagat.
“Sa araw ng mga migrants and refugees and seafarers nag-aapela tayo na ipanalangin lahat ng mga pamilya ng mga refugees, migrant workers, seafarers kasi hindi madali ang nasa ibang bansa, hindi madali yung nakahiwalay sa pamilya, so kanilang ng panalangin para laging buo ang pamilya ng mga refugees, migrants, ng mga seafarers kasi ang yaman ng tao ay nasa pamilya, wala sa materyal na bagay,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Ongtioco.
Lubos na nagpapasalamat si Sister Melde Melona Fabe Gamonez – Cubao Diocesan Lay Coordinator of the Migrants Ministry kay Bishop Ongtioco at sa pamilya ng mga O-F-W, kawani at iba pang nakiisa sa pagtitipon.
Inihayag ni Gamonez na 29 mula sa 49 na parokyang kabilang sa diyosesis ang mayroon ng mga Migrant Ministry coordinator.
Sa datos ng United Nations High Commissioner for Refugees noong 2022, aabot sa 108.4-million ang bilang ng mga refugee sa buong mundo na kinailangang lumikas ng dahil sa sigalot, digmaan at pagkasira ng kanilang tahanan.
Sa survey ng Philippine Statistic Authority, mahigit na 2-milyong ang pinakahuling bilang ng mga Overseas Filipino Workers, Filipino Migrants at mga OFW na walang working visa.