7,778 total views
Mariing naninindigan ang Simbahang Katolika laban sa pag-apruba ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality sa Senate Bill 2443 o ang isinusulong na Absolute Divorce Bill sa bansa.
Ayon kay Rev. Fr. Jerome Secillano – executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Public Affairs, hindi mababago ang paninindigan ng Simbahan laban sa tangkang pagpapahina at pagbuwag sa pundasyon ng pagpapamilya sa pamamagitan ng pagsasabatas ng divorce law sa bansa.
Ipinaliwanag ng Pari na ang diborsyo ay kontra-pamilya, kontra-kasal at kontra-kabataan dahil sa negatibong epekto ng panukalang batas sa paghihiwalay ng mag-asawa sa pamilya, lalo’t higit sa mga bata.
“Naninindigan tayo na ang divorce ay hindi kailanman naging pro-family, naging pro-children at saka pro-marriage. Ang diborsyo ay anti-family, anti-marriage at anti-children.” Ang bahagi ng pahayag ni Fr. Jerome Secillano sa Radyo Veritas.
Iginiit ng Pari na dapat na higit pang paigtingin ng mga anti-divorce advocates ang pagsusumikap na maipaliwanag sa taumbayan ang negatibong implikasyon ng pagsasabatas ng diborsyo sa bansa na sa unang pagkakataon ay nakapasa sa committee level ng Senado.
“Nakakabigla naman dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay naisulong Senado itong divorce bill atleast sa kanilang committee, dati rati kasi Mababang Kapulungan lang ng Kongreso ang nakagagawa nito kaya naman dapat paigtingin ng mga anti-divorce advocates yung ating mga gagawin para maipaliwanag natin sa taumbayan kung ano ang mga disadvantages nitong divorce.” Dagdag pa ni Fr. Secillano.
Binigyan diin ni Fr. Secillano na hindi solusyon sa mga problema at hindi pagkakaunawaan ng mag-asawa ang paghihiwalay o diborsyo na siyang magpapahina naman sa pundasyon ng pagkatao ng mga batang mayroong magkahiwalay na magulang.
Paglalahad ng Pari, kinakailangang balansehin ng bawat isa ang pagtingin sa usapin patungkol sa pagsusulong ng diborsyo sa bansa na walang mabuting maidudulot lalo na sa kasagraduhan ng sakramento ng kasal.
“Ang mga nagsusulong ng divorce, sinasabi nila mas maigi na raw ito na maghiwalay na yung mag-asawa kaysa naman nag-aaway at magkakaroon pa ng adverse impact at magkakaroon pa ng adverse impact ang kanilang mga pag-aaway sa kanilang mga anak. Ganun din naman sa diborsyo, marami ding adverse impacts at effects ang pagdi-divorce ng mga magulang sa mga bata, so kinakailangan balansehin natin ang pagtingin natin patungkol dito sa usapin na ito.” Ayon pa kay Fr. Secillano.
Nasasaad sa panlipunang turo ng Simbahan na ang sakramento ng kasal ay hindi lamang isang malalim na tanda o kahulugan ng pagsasama ng mag-asawa sa halip ay nagbibigay ng katangi-tanging grasya o biyaya ng Diyos upang magampanan ng mag-asawa ang kanilang tungkulin sa pamilya at sa lipunan.