3,303 total views
Pinuri ni Bontoc-Lagawe Bishop Valentin Dimoc ang inisyatibo ng social at development arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines hinggil sa pamamahala sa mga kinasasakupang mananampalataya.
Ayon kay Bishop Dimoc, ang first executive course on Servant Leadership and Pastoral Management for Bishops ng Caritas Philippines Academy ay malaking tulong upang mapaigting ang kamalayan at kaalaman ng mga obispo sa mga usaping dapat tutukan sa bawat diyosesis.
Pagbabahagi ng obispo na kaakibat ng pagpapaigting ng pananampalataya ang higit na pag-unawa sa kalagayan ng mga mananampalataya na nangangailangan ng tulong sa iba’t ibang paraan.
Iginiit ni Bishop Dimoc na hindi lamang kasanayan at kaalaman ng mga obispo ang napagbuti sa five-day executive course, bagkus, ito ri’y pagkakataon upang higit na maipadama sa kapwa ang presensya at pag-ibig ng Panginoon sa sangkatauhan.
“So, when we bear witness to our faith and reach out to the needy, then they will also experience the concrete presence of the Lord reaching out to them. So, let us see the presence of the Lord in them so that they may also see in us the presence of the Lord. So, we are being helped by these courses for the bishops in order that we may find ways on how to be more effective in responding to the needs of our own people.” pahayag ni Bishop Dimoc sa panayam ng Radio Veritas.
Si Bishop Dimoc ay kabilang sa unang batch ng mga nakibahagi at nagtapos sa five-day course ng Caritas Philippines Academy kasama sina San Carlos, Negros Occidental Bishop Gerardo Alminaza; Imus, Cavite Bishop Reynaldo Evangelista; Puerto Princesa, Palawan Bishop Socrates Mesiona; at Iba, Zambales Bishop Bartolome Santos.
Kabilang sa mga tinalakay sa five-day course ang mga layunin ng synodality na ipinaliwanag at ibinahagi nina Pro-Prefect ng Dicastery for Evangelization, Luis Antonio Cardinal Tagle; at CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David.
Tinalakay din sa kurso ang climate change, disaster response, wastong pamamahala sa mga kawani ng diyosesis at mga parokya, at ang maayos na pakikipag-ugnayan sa mga mananampalataya.
Ikinagalak naman ni Caritas Philippines executive director Fr. Antonio Labiao, Jr. ang matagumpay na paglulunsad ng mga kurso, at tiniyak na ipagpapatuloy upang mapaigting at makahikayat ng iba pang nagnanais na obispo sa Pilipinas.
“It’s a good start. We have 20 bishops attended so they’re very alive, as we listen to their sharing, the camaraderie that happened for the whole five days. The topics are good, very relevant for them. So, for those who attended the first batch, they hope that there will be a follow-up course, and then another batch to be open for other bishops who will be interested.” pahayag ni Fr. Labiao.
Samantala, ibinahagi rin ng social arm ng CBCP ang Alay Kapwa Expanded Fund Campaign na layong makalikom ng 500-milyong piso o higit pa bilang suporta sa isinusulong na 7 Alay Kapwa Legacy Program.
Ginanap ang five-day course para sa mga obispo sa Caritas Development Center sa Tagaytay City mula noong September 18 hanggang 22, 2023.