688 total views
Kapanalig, marami sa atin ang nagtatanong, bakit ba tayo nagkukulang sa bigas gayon ang ating bansa ay dating nangunguna sa rice production?
Alam niyo ba, tayo na ngayon ang pinakamalaking importer ng bigas sa buong mundo? Ayon sa Grains: World Markets and Trade, isang report mula sa USDA Foreign Agricultural Service, napalitan na ng ating bansa ang Tsina bilang pinakamalaking importer ng bigas. Tinatayang aabot ng 3.8 million metric tons ngayong 2023-2024 ang rice importation ng bansa habang magiging 3.5 million metric tons na lamang ang sa Tsina.
Iba-iba ang dahilan ng kakulangan ng bigas sa bansa. Isa na dito ay ang rice hoarding o pagtatago ng bigas sa merkado upang makontrol ang presyo nito. Ang tindi, hindi ba kapanalig, na may mga umiiral na rice cartel sa bansa na kayang imanipula ang presyo ng bigas?
Isa pa sa mga dahilan ay ang climate change. Ang laki ng epekto nito sa mga taniman ng bigas ng bayan. Dahil sa matinding weather changes, mas maraming baha, mas malakas ang mga bagyo, at mas mahaba ang tagtuyot sa maraming lugar sa bansa. Ang lahat ng ito ay malaki ang epekto sa produksyon ng bigas. At sa bawat pagdaan ng mga delubyong ito, mas maraming mga rice farmers sa ating bayan ang hirap makabawi.
Kulang din ang suporta ng pamahalaan sa mga rice farmers ng bansa. Marami pa sa kanila ang gumagamit ng mga makalumang paraan ng pagsasaka. Maraming mga makabagong teknolohiya at praktis ang hindi nagagamit at nagagawa ng ating mga magsasaka dahil hindi ito naibibigay o nai-introduce man lamang sa kanila.
Dahil dito, laging kulang ang produksyon ng bigas sa bayan. Kalbaryo na ng magsasaka ang pagtatanim ng bigas sa bayan sa harap ng maraming banta at hamon, pagkatapos ang mga cartel pa ay minamanipula ang presyo ng kanilang ani. Ang kumikita tuloy ay ang mga mandarambong, samantalang ang mga small-time farmers ng bayan, kahit gaano pa sila kasipag, barya lamang ang mahahawakan.
Kapanalig, dapat sugpuin na natin ang cartel ng katiwalian pati na rin ng kapabayaan sa sektor na ito. Mahirap na ang magsasaka, mas lalo pa silang pinahihirapan nito. Liban pa dito, ang mga mamamayan ay wala ng choice kundi bumili ng mahal na bigas – ito ang ating staple food na tumatawid sa ating gutom sa panahon ng kasalatan. Sa ating pagpapabaya sa rice farmers ng bansa, tinutulak natin sila lalo sa karalitaan. Taliwas ito sa turo ng ating Simbahan. Pangaral sa atin ng Evangelium Vitae: We have to state, without mincing words, that there is an inseparable bond between our faith and the poor. May we never abandon them.
Sumainyo ang Katotohanan.