1,760 total views
Isa sa mga suliranin na kailangan harapin ng ating pamahalaan ay ang common street crimes sa ating lipunan. Ang mga ganitong pangyayari ay ilustrasyon ng “the poor robbing the poor” – ang kapwa mahirap ay binibiktima ng kapwa din niya mahirap.
Hindi ba’t ang mga komon na street crimes sa ating mga lansangan ay ang snatching o panghahablot ng bag, holdup, at pandurukot? Nasa lansangan din ang biktima ng mga ito – mga karaniwang tao na naglalakad lamang o namamasahe, nakikipagsiksikan sa mga public transport para makatipid, at namimili o nagtatrabaho sa mga mataong lugar. Dito rin sa mga lugar na ito namumugad ang mga gumagawa ng small-time crimes. Lahat nagsisiksikan dito para kumita, makatipid, makahanap ng paraan para lamang maisalba ang araw.
Ayon nga sa Philippine National Police (PNP), ang theft o pagnanakaw ay isa sa mga krimen na kanilang tinututukan ngayon dahil bahagyang tumataas ang mga insidente nito. Mula July 2021 hanggang January 7, 2022, 6,304 na kaso ang kanilang naitala. Nitong July 2022 hanggang January 2022, naging 6,682 na ito.
Maraming mga sanhi ang pagtaas ng insidente ng theft sa bayan. Siyempre una na dito ang kahirapan. Maraming mga tao, kapag walang kita at oportunidad, ay naitutulak sa krimen. Maaaring mapilitang silang magnakaw dahil sa kalam ng sikmura at matinding pangangailangan. Ang kawalan din ng maayos at dekalidad na edukasyon ay sanhi rin ng pagtaas krimen dahil ninanakaw naman nito ang kaalaman at oportunidad ng tao para sa mas maginhawang buhay. Ang kakulangan naman ng trabaho at kita ay bahagi rin sa mga dahilan kung bakit may mga kababayan tayo na walang ibang makitang paraan liban sa pagnanakaw upang buhayin ang sarili at pamilya.
Kapanalig, ang karaniwan nating tugon sa krimen ay ang pag-iigting o pagpapalakas ng pulisya at komunidad upang ma-prevent o mapigilan ang mga pangyayaring ganito – crime prevention. Pero napansin niyo na ba na kahit marami na tayong naikulong at nahuli para sa ganitong krimen, marami pa ring kawatan, at marami pa rin ang may pangamba na mabibiktima nito. Baka liban sa crime prevention, may mas komprehensibo at epektibong tugon tayong maibibigay sa mga mamamayan?
May gabay ang Responsibility, Rehabilitation, and Restoration ng mga US Catholic Bishops na maaring angkop din sa ating sitwasyon. Ayon dito “We will not tolerate the crime and violence that threatens the lives and dignity of our sisters and brothers, and we will not give up on those who have lost their way. We seek both justice and mercy. Working together, we believe our faith calls us to protect public safety, promote the common good, and restore community.”
Kapanalig, baka isipin niyo na puro awa lamang ang turo ng Simbahan sa atin. Hindi po. Ayon pa sa Caritas in Veritate ni Pope Benedict XVI, hindi lamang economic aid ang dapat nating ibigay, kundi isang maayos na sistema ng public order at epektibong pagkukulong na nagbibigay respeto sa human rights at ang pagkakaroon ng tunay na demokratikong institusyon.
Napakalaking hamon nito sa ating bayan. Sana maging handa tayong harapin ito upang tunay ng mawaksi ang krimen sa ating mga pamayanan, at maisabuhay natin ang esensya ng tunay na komunidad.
Sumainyo ang Katotohanan.