3,021 total views
Biyernes ng Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kay San Bruno, Pari
Baruc 1, 15-22
Salmo 78, 1-2. 3. 5. 8. 9
Dahil sa ngalan mo, Poon,
iligtas mo kami ngayon.
Lucas 10, 13-16
Friday of the Twenty-sixth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Baruc 1, 15-22
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Baruc
Matuwid ang Panginoon naming Diyos. Ngunit lipos kami ng kadustaan hanggang ngayon – kaming mga taga-Juda, mga mamamayan ng Jerusalem, pati aming mga hari, mga pinuno, mga saserdote, mga propeta at mga ninuno – pagkat nagkasala kami sa Panginoon naming Diyos. Nilabag namin ang kanyang mga utos. Hindi kami nakinig sa kanya. Hindi namin sinunod ang mga tuntuning ibinigay niya sa amin. Mula nang ang mga ninuno namin ay ilabas ng Panginoon sa Egipto, patuloy kami ng pagtataksil sa kanya hanggang ngayon. Naging suwail kami. Kaya ngayon ay naghihirap kami. Nagaganap sa amin ang sumpa na ibinabala ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises nang ang mga ninuno namin ay ialis niya sa Egipto at dalhin sa isang lupaing mayaman at masagana sa lahat ng bagay. Hindi namin pinakinggan ang mga salita ng Panginoon naming Diyos sa pamamagitan ng mga propeta. Ang sinunod nami’y ang masasamang hilig at panay kasamaan ang aming ginawa. Sumamba kami sa mga diyus-diyusan at gumawa kami ng kinasusuklaman ng Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 78, 1-2. 3. 5. 8. 9
Dahil sa ngalan mo, Poon,
iligtas mo kami ngayon.
Panginoong Diyos,
pinasok ng Hentil ang lupang pangako,
hayo’t iyong masdan!
Winasak ang lungsod, ang banal mong templo ay nilapastangan;
Ang mga katawan
ng mga lingkod mo’y ginawang pagkain niyong mga ibon,
ang kanilang laman, sa mga halimaw ay ipinalamon.
Dahil sa ngalan mo, Poon,
iligtas mo kami ngayon.
Dugo ng bayan mo’y
ibinubo nila, sa buong palibot nitong Jerusalem,
animo ay tubig; sa dami ng patay ay walang naglilibing.
Ang kalapit-bansang
doo’y nakasaksi, hindi mapigilan yaong pagtatawa,
lahat sa palibot ay humahalakhak sa gayong nakita.
Iyang iyong galit sa amin,
O Poon, hanggang kailan ba kaya matatapos?
Di na ba titigil ang pagkagalit mong sa ami’y tutupok?
Dahil sa ngalan mo, Poon,
iligtas mo kami ngayon.
Huwag mong parusahan
kaming mga anak, sa pagkakasala ng aming magulang,
Ikaw ay mahabag sa mga lingkod mong pag-asa’y pumanaw.
Dahil sa ngalan mo, Poon,
iligtas mo kami ngayon.
Mahabag ka sana,
kami ay tulungan, Panginoong Diyos na Tagapagligtas,
dahil sa ngalan mo, kaming nagkasala’y patawaring ganap
at ang pagpupuri sa iyo ng madla’y hindi maglilikat.
Dahil sa ngalan mo, Poon,
iligtas mo kami ngayon.
ALELUYA
Salmo 94, 8ab
Aleluya! Aleluya!
Dinggin ninyong lahat ngayon
ang tinig ng Panginoon
sa loob na mahinahon.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 10, 13-16
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon sinabi ni Hesus, “Kawawa ka, Corazin! Kawawa ka, Betsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga kababalaghang ginawa rito sa inyo, disin sana’y malaon na silang nagdaramit ng sako at nauupo sa abo upang ipakilalang sila’y nagsisisi. Sa Araw ng Paghuhukom, higit na mabigat ang kaparusahan ninyo kaysa kaparusahan ng mga taga-Tiro at taga-Sidon. At ikaw, Capernaum,
Ibig mong mataas hanggang sa langit?
Ibabagsak ka sa Hades!
“Ang nakikinig sa inyo’y nakikinig sa akin, ang nagtatakwil sa inyo’y nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Ipanalangin natin ang lahat ng lalaki at babae upang pakinggan nila si Kristo at tumugon sila sa tawag ng pagbabalik-loob at pagbabago.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, buksan mo ang aming mga puso.
Ang Simbahan nawa’y maging instrumento ng pagpapanumbalik ng mga tao sa kawan at maging instrumento ng paghahanda sa kanilang pagpasok sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng mga bansa nawa’y magkapit-kamay sa pagdadala ng kalayaan at dangal sa lahat, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y mapanibago araw-araw sa pamamagitan ng pananalig sa Salita ng Diyos na tumatawag sa atin sa higit na mabuting pamumuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinahina ng pagkakasakit nawa’y mabigyang lakas sa pag-ibig at suporta ng kanilang mga kapamilya at mga mahal sa buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y makamtan ang walang hanggang kaligtasan, manalangin tayo sa Panginoon.
Walang hanggang Ama, hilumin mo ang aming pagmakasarili at buksan ang aming puso na tanggapin ang Mabuting Balita ng kaligtasan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.