3,985 total views
Huwebes ng Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Malakias 3, 13-20a
Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6
Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.
Lucas 11, 5-13
Thursday of the Twenty-seventh Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Malakias 3, 13-20a
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Malakias
“Mabibigat ang sinabi ninyo tungkol sa akin,” sabi ng Panginoon. “Ngunit ang tanong ninyo, ‘Anu-ano ba ang sinabi namin?’ Sabi ninyo, ‘Walang saysay ang maglingkod sa Diyos. Bakit pa natin susundin ang kanyang mga utos? Bakit pa natin ipakikitang tayo’y nalulungkot sa nagawa nating kasalanan gayong kung sino ang palalo ay siya pang pinagpapala? Hindi lamang iyon; ang masasama ay nananagana at sinusubok pa nila ang Diyos sa paggawa nila ng kalikuan ngunit hindi sila napaparusahan.’”
Pagkatapos, nag-usap-usap ang mga taong may takot sa Panginoon. Narinig niya ang kanilang usapan, kaya ipinatala niya sa isang aklat ang kanilang pangalan. “Sila’y magiging akin,” sabi ng Panginoon. “Sa araw na ako’y kumilos, lubusan silang magiging akin. Kaaawaan ko sila, tulad ng pagkalinga ng isang ama sa anak na naglilingkod sa kanya. Muli ninyong makikita ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama, ng taong naglilingkod sa akin at ng hindi naglilingkod.
“Tandaan ninyo, darating ang araw na lilipulin ko ang mga palalo at masasama. Sa araw na yaon, matutupok silang gaya ng dayami at walang matitira sa kanila,” sabi ng Panginoon. Ngunit kayo na sumusunod sa akin ay ililigtas ko at pagagalingin ng aking kapangyarihan na lulukob sa inyo, gaya ng sinag ng araw.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6
Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.
Mapalad ang taong hindi naaakit niyong masasama,
upang sundan niya ang kanilang payo’t maling halimbawa;
hindi sumasama sa sinumang taong ang laging adhika’y
pagtawanan lamang at hamak-hamakin ang Diyos na dakila.
Nagagalak siyang laging magsaliksik ng banal na aral,
ang utos ng Poon siyang binubulay sa gabi at araw.
Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.
Ang katulad niya’y isang punongkahoy sa tabing batisan,
sariwa ang daho’t laging namumunga sa kapanahunan,
at anumang gawin ay nakatitiyak na magtatagumpay.
Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.
Ngunit ibang-iba ang masamang tao; ipa ang kawangis,
siya’y natatangay at naipapadpad kung hangi’y umihip.
Sa taong matuwid ay Panginoon ang s’yang mag-iingat,
ngunit kailanman ang mga masama ay mapapahamak.
Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.
ALELUYA
Mga Gawa 16, 14b
Aleluya! Aleluya!
Kami’y iyong pangaralan
upang aming matutuhan
ang Salitang bumubuhay!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 11, 5-13
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Ipalagay natin na ang isa sa inyo’y nagpunta sa isang kaibigan isang hatinggabi at nagsabi, ‘Kaibigan, bigyan mo muna ako ng tatlong tinapay. Dumating kasi ang isa kong kaibigang naglalakbay at wala akong maihain sa kanya!’ At ganito naman ang sagot ng kanyang kaibigan sa loob ng bahay, ‘Huwag mo nga akong gambalain! Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng aking mga anak. Hindi na ako makababangon pa upang bigyan kita ng iyong kailangan.’ Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagkakaibigan, babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan sa pagpupumilit nito. Kaya sinasabi ko sa inyo: Humingi kayo, at kayo’y bibigyan; humanap kayo at kayo’y makasusumpong; kumatok kayo, at ang pinto’y bubuksan para sa inyo. Sapagkat tumatanggap ang bawat humihingi; nakasusumpong ang bawat humahanap; at binubuksan ang pinto sa bawat kumakatok. Kayong mga ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung humihingi ng isda? Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya’y humihingi ng itlog? Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit! Ibibigay niya ang Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes
Nangako si Kristo sa atin: “Humingi at kayo’y bibigyan.” Lumapit tayo sa ating Amang nasa Langit na may kapanatagan at pananalig.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Mapagmahal na Ama, hinihintay namin ang lahat mula sa Iyo.
Bilang Simbahan, nawa’y italaga natina ng ating mga sarili sa tunay at malalim na buhay pananalangin, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga taong labis na abala nawa’y matutong maging bahagi ng kanilang mga gawain ang pananalangin, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y patuloy na manalangin kahit na gaano kabigat ang ating kasiraan ng loob dahil sa mga pagsubok sa buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y magkaisa sa kanilang pananalangin at sakripisyo sa mga pagpapakasakit ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y muling mabuhay kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Diyos, higit pa sa aming mga imahinasyon ang iyong kabutihang-loob at sa mga pamamaraang hindi namin maunawaan. Pakinggan mo nawa ang panalanging itinaas namin sa iyo sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.