3,537 total views
Inaanyayahan ng Cooperative Development Authority ang mga miyembro ng mga kooperatiba, higit na ang mga church based cooperative na isulong ang pangangalaga sa kalikasan at food security.
Ito ay bilang pakikiisa National Cooperative Month ngayong buong buwan ng Oktubre na ginugunita sa temang “Cooperatives: Pioneering the Path to Recovery Amidst Modern Challenges of Climate Change and Food Security.”
Hinimok ni CDA Chairman Joseph Joy Encabo ang mga miyembro ng church based cooperatives na pangunahan ang pagsusulong ng pagkakaisa upang makamit ang mga layunin ng kooperatiba ngayong taon.
“Sa mga mga kasamahan ko po sa church based cooperatives sa buong bansa magtulungan po tayo at gawin po nating modelo ang ating kooperatiba upang ipagtuguyod at ipakita ang kahalagahan ng ating kalikasan, bigyang solusyon at mga mitigating measures and even mga rehabilitation programs ng ating environment para po ma-address natin at magiging pioneering institutions tayo sa pagbigay ng mga recovery plans, programs and activities para sa ating kalikasan at para sa buong mundo.” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Chairman Encabo.
Naniniwala si Encabo na sa pangangalaga sa kalikasan ay maisusulong ang katiyakan ng pagkakaroon ng sapat na suplay ng pagkain sa buong Pilipinas.
Nilinaw ni Encabo na magkaakibat ang pangangalaga sa sa kalikasan at food security dahil naiiwasan ang pagkasira ng pananim at likas na yaman.
“It should be one on this, it should be united and let’s make sure that as we progress with our business, we should also give priority and importance to our environment and for our food security for the next generation so sa lahat po ng ating mga kababayan, mga naniniwala sa kooperatiba, mga kasama sa kooperatiba, lahat ng kooperatiba sa bansa, happy cooperative month.” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Chairman Encabo.
Iniulat ng C-D-A sa paglulunsad ng Cooperative Month na umaabot na sa dalawampung libo at isang daan ang kabuoang bilang ng mga kooperatiba na binubuo ng mahigit na 19-milyong miyembro sa bansa.