3,547 total views
Pinaigting ng Caritas Philippines ang pag-aanyaya sa mamamayan at mananampalataya na lumahok sa ikalawang ‘Bike For Kalikasan’ sa ika-6 ng Oktubre sa Batangas.
Sinabi ng Caritas Philippines na layon nito na isulong ang pangangalaga ng kalikasan higit na sa Verde Island Passage na itinuturing bilang Center of the Center for Marine Biodiversity sa buong mundo.
Ayon kay Jing Rey Henderson – Communication and Partnership Development Unit Coordinator ng Caritas Philippines, nakahanda rin para sa mga hindi makapag-bisikleta ang Misang pangungunahan ni Lipa Archbishop Gilbert Garcera na i-aalay para sa Walk For Creation sa San Miguel Arkanghel Parish sa Lagadlarin Lobo Batangas.
Kabilang din sa programa ang clean up drive, tree planting activity at boodle fight breakfast para sa mga lalahok sa Lagadlarin Mangrove Forest Park sa October 07.
“Ito po ay isa din sa pagkilala natin hindi lamang sa mga kababayan natin na mahihirap kungdi pati narin sa kalikasan natin, sa ating nag-iisang tahanan na naghihirap narin ngayon dahil sa destruction na nangyayari o ginagawa natin, lalung-lalo na po ang destruction na kinakaharap ng Verde Island Passage na kinabibilangan o sumasakop sa limang diocese na nandiyan sa Romblon, Batangas, Calapan, San Jose, nandiyan din po ang Boac Marinduque at ang Taytay sa Palawan.” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Henderson.
Para sa mga nais lumahok sa Bike for Kalikasan, maaring bisitahin ang official Facebook Page ng Caritas Philippines http://(www.facebook.com/CaritasPhilippines) upang makita ang registration link sa gawain, habang sa mismong araw ng gawain ay maari parin ang mga walk-in registration sa pagitan ng alas-kuwatro hanggang ala-singko ng umaga.
Ipinaalala ng Caritas Philippines na magsisimula sa Montemaria Batangas patungong Lagadlarin Forest Park ang ruta ng Bike 4 Kalikasan.
Kaugnay nito, patuloy din ang pagkilos na katulad ng Economy of Francesco Movement upang isulong ang malinis na pamamaraan sa pagpapaunlad ng ekonomiya habang pinangangalagaan ang kalikasan.